Eala kinapos sa Guangzhou Open singles


Chris Co — Pilipino Star Ngayon

October 23, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Inaalat si Alex Eala sa singles matapos maagang masibak sa kontensiyon sa Guangzhou Open na ginaganap sa Nansha International Tennis Center sa Guangzhou, China.

Lumasap ang 20-anyos Pinay netter ng 6-2, 4-6, 4-6 kabiguan sa kamay ni qualifier Claire Liu ng Amerika sa opening round ng naturang 250-level WTA tournament.

Maganda sana ang simula ni Eala na maagang naglunsad ng matinding atake para mabilis na makuha ang first set.

Subalit hindi nito napantayan ang malakas na puwersang inilatag ni Liu sa second set dahilan upang maitabla ng American netter ang laro sa 1-1.

Sa final set, nakuha ni Eala ang 3-1 kalamangan.

Nakaporma na sana si Eala na maisara ang laban subalit muling rumatsada si Liu na naglatag ng 5-1 run para makuha ang panalo.

Dikitan lamang ang laban kung saan may bahagyang bentahe si Eala sa first serve winning percentage (58%-56%).

Nakaungos si Liu sa aces tangan ang pitong hits laban sa tatlo lamang ni Eala.

May nagawa pang tatlong double faults si Eala.

Ngunit hindi pa tapos ang laban para kay Eala dahil masisilayan pa ito sa doubles event kasama si Ukrainian partner Nadiia Kichenok.

Haharapin nina Eala at Kichenok sa opening round sina Emily Appleton ng Great Britain at Qianhui Tang ng China.

Nakatakda ang laro Miyerkules ng gabi.