October 7, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Tuluy-tuloy ang pag-akyat ni Pinay tennis sensation Alex Eala sa WTA rankings.
Nakamit ng 20-anyos na si Eala ang kanyang bagong career milestone sa pag-upo sa World No. 54 seat sa pinakabagong WTA rankings na inilabas kahapon.
Nalampasan niya ang kanyang dating career best na No. 56 noong Hunyo.
Nauna nang tumaas si Eala sa No. 58 noong Setyembre mula sa kanyang magandang kampanya sa Asya kung saan siya lumahok sa tatlong torneo sa China.
Umabante siya sa semifinals ng WTA 125 Jingshan Open at sa quarterfinals ng WTA 125 Suzhou Open.
Minalas naman si Eala sa first qualifying round ng Wuhan Open na siyang pinakahuling WTA 1000 event sa taong ito.
Nakatakdang pumalo ang pamangkin ni dating PBA Commissioner Noli Eala sa Kinoshita Group Japan Open at sa Prudential Hong Kong Tennis Open.
Ang dalawang events ay parehong WTA 250 tournaments.
