MANILA, Philippines — Bigo si Alex Eala na makuha ang kanyang unang korona matapos lumasap ng pukpukang 4-6, 6-1, 6-7 (10) kabiguan sa kamay ni Maya Joint ng Australia sa finals ng Eastbourne Open kahapon sa England.
Dikdikan ang laban sa third set kung saan nakuha ni Eala ang 2-0 maagang kalamangan.
Subalit rumatsada si Joint nang maglatag ito ng 4-0 run para maagaw ang bentahe sa 4-2.
Maagang nagising si Eala matapos pakawalan ang malalakas na serves at solidong forehand game para maitabla ang laro sa 6-6.
Sa tiebreak, palitan ng matitinding atake ang dalawa subalit kinatigan ng suwerte ang Australian netter para makuha ang panalo.
Nakapasok sa finals si Eala nang patumbahin nito si Varvara Gracheva ng France sa semifinals sa bendisyon ng pukpukang 7-5, 2-6, 6-3 panalo.
Matatandaang bigo si Eala na makapasok sa naturang Grand Slam event noong nakaraang taon nang yumuko ito kay Lulu Sun ng New Zealand, 6-7 (3), 5-7, sa final round ng qualifying tournament.
Sa kabuuan, dalawang beses nang nakahirit ng main draw ticket si Eala sa isang Grand Slam event.
Una na sa French Open ngunit maaga itong namaalam sa kontensiyon matapos yumuko kay Emiliana Arango ng Colombia, 0-6, 6-2, 3-6, sa opening round.
