Eala nagpasalamat sa suporta ng fans


Chris Co — Pilipino Star Ngayon

August 31, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Bumuhos ang mainit na mensahe para kay Alex Eala sa kabila ng kabiguang makapasok sa third round ng US Open wo­men’s singles na ginaganap sa Queens, New York.

Hindi pinalad si Eala na makahirit ng tiket sa susunod na yugto matapos itong yumuko kay Cristina Bucsa ng Spain sa iskor na 4-6, 3-6.

Gayunpaman, kaliwa’t kanan ang mga natatanggap ng Pinay netter na mensahe mula sa mga suppor­ters nito gayundin sa iba’t ibang kilalang personalidad.

Kaya naman hindi maitago ni Eala ang saya na nadarama nito dahil sa patuloy na mainit na pagtanggap sa kanya sa kabila ng pagkatalo nito sa naturang Grand Slam event.

Sinabi ni Eala na ma­rami itong natutunan sa kanyang kampanya sa US Open na magsisilbing magandang pundasyon para sa kanyang mga susunod na laban.

Nagpasalamat ito sa lahat ng sumuporta sa kanya mula sa venue hanggang sa social media.

“US Open 2025, what an experience. I’ve never in my life felt so loved on a tennis court, and for that, I thank you all from the bottom of my heart,” ani Eala.

Gumawa ng kasaysayan si Eala bilang kauna-unahang Pinay netter na nakapagtala ng panalo sa isang main draw ng Grand Slam event.

Nagawa ito ni Eala matapos patumbahin si world No. 14 Clara Tauson ng Denmark,  6-3, 2-6, 7-6 (11) desisyon sa first round bago yumuko kay Bucsa sa second round.

Target ni Eala na maka­balik sa US Open sa susunod na taon.

“I wished I could’ve gone deeper this week, but it wasn’t meant to be. I’ll be back stronger, but for now, it’s back to work! Salamat (thank you), New York,” dagdag ni Eala.

Uuwi si Eala bitbit ang $154,000 konsolasyon o halos P9 milyon.