August 18, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Nakalinya na agad ang mga torneong lalahukan ni Alex Eala sa oras magbalik-aksyon ito.
Una munang sesentro ang atensiyon ng 20-anyos Pinay netter sa pagsabak nito sa US Open na aarangkada ngayong linggo sa Queens, New York.
Ito ang unang pagkakataon na masisilayan si Eala sa main draw ng naturang grand slam event matapos itong mabigo sa qualifying round noong nakaraang taon.
Matapos ang US Open, agad na tutulak si Eala sa Brazil para magpartisipa sa Sao Paulo Open.
Magsisimula ang Brazil tournament sa Setyembre 8 at matatapos sa Setyembre 14.
Kasama si Eala sa entry list kung saan inaasahang makukuha nito ang No. 3 seed.
Pasok din sa torneo sina Hailey Baptiste ng Amerika, Jodie Burrage ng Great Britain, Berfu Cengiz ng Turkey, Louisa Chirico ng Amerika, Vitalia Diatchenko ng Russia, Beatriz Maia ng Brazil at Renata Zarazua ng Mexico.
Kailangan ni Eala na lumahok sa mga torneo upang makalikom ng puntos at muling umangat sa WTA rankings.
Kasalukuyan itong nasa No. 71 sa live rankings ng WTA.