Eala sibak kay Tjen sa quarters


Chris Co — Pilipino Star Ngayon

September 14, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Bigo si Pinay tennis ace Alex Eala na masundan ang matikas na ratsada nito matapos yumuko kay Janice Tjen ng Indonesia, 4-6, 1-6, sa quarterfinals ng Sao Paulo Open na ginaganap sa Brazil.

Maganda sana ang simula ng 20-anyos a si Eala na nagtala ng 3-0 kalamangan sa first set.

Subalit hindi nito agad naapula ang malakas na pu­wersang inilatag ni Tjen nang magpasabog ito ng 6-1 run upang makuha ang 1-0 bentahe sa set.

Nanatiling malakas ang intensidad ni Tjen sa second frame kung saan solidong court coverage ang ginawa nito para sagutin ang lahat ng atakeng ibinato ni Eala.

Hindi pa umabot sa dalawang oras ang laro.

Sa kabila ng kabiguan, magkakamit pa rin si Eala ng $6,820 konsolasyon o mahigit P380,000 papremyo sa pagpasok nito sa quarterfinals.

Bukod pa rito ang nakuhang puntos ni Eala para ma­paganda ang kaniyang puwesto sa WTA ranking.

Nakapasok si Eala sa quar­terfinals matapos payukuin sina Yasmine Mansouri ng France sa iskor na 6-0, 6-2 sa first round at Julia Riera ng Aregntina sa pamamagitan ng 6-1, 6-4 de­sisyon sa second round.

Posibleng muling mag­tu­os sina Eala at Tjen sa 2025 Southeast Asian Games na gaganapin sa Bangkok, Thailand sa Disyembre.