Eala tututok na sa grass season


MANILA, Philippines — Sesentro na ang atensiyon ni Alex Eala sa grass season matapos ang ratsada nito sa French Open sa Paris, France.

Sisimulan ng Pinay netter ang kampanya nito sa grass sa WTA 125 Lexus Birmingham Open na idaraos sa Birmingha, England.

Hahawakan ni Eala ang No. 3 seed sa torneo dahil sa kanyang kasalukuyan na puwesto sa world ran­king. Nasa No. 73 ito sa WTA rankings.

Sa first round ng Bir­ming­ham tournament, makakasagupa ni Eala si Linda Fruhvirtova ng Czech Republic.

Pamilyar na si Eala kay Fruhvirtova na nasa No. 152 sa WTA.

Nagkrus na ang landas ng dalawa noong nasa juniors pa lamang ito.

May 1-1 rekord ang dalawa sa kanilang head-to-head.

Nanalo si Eala sa ka­nilang unang paghaharap ni Fruhvirtova noong 2019 sa ITF Cape Town tournament sa Cape Town, South Africa.

Makalipas ang dala­wang taon, muling nag­harap sina Eala at Fruhvirtova sa Great Britain kung saan nanaig ang Czech netter sa J1 Roehampton tournament.

Ngunit ibang usapan na ang pro level dahil marami nang pinagdaanan si Eala partikular na ang impresibong kampanya nito sa Mia­mi Open kung saan tinalo nito ang tatlong Grand Slam winners kabilang na si reigning French Open champion Iga Swia­tek ng Poland.

Maliban sa singles, sasabak din si Eala sa doubles kapares si Rebeka Masarova ng Switzerland.

Haharap sina Eala at Masarova kina Australian pair Ellen Perez at Storm Hunter sa opening round.