Eala umakyat sa No. 51 sa WTA


Chris Co — Pilipino Star Ngayon

October 28, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines —  Tuloy lang ang pagsu­long ni Alex Eala sa Wo­men’s Tennis Association (WTA) rankings matapos muling kumana ng panibagong career-high position.

Sa bagong listahan na inilabas ng WTA kahapon, umangat na naman si Eala na kasalukuyan nang nasa No. 51 puwesto — mas maganda ng isang hakbang mula sa kanyang dating No. 52 na upuan.

May 1,131 puntos si Eala na nalikom nito sa kanyang matikas na kampanya sa season na ito.

Isang puwesto na lamang ang lulundagin ni Eala para makapasok sa Top 50 players sa world rankings.

Kaya naman nais ni Eala na magkaroon ng magandang ratsada ang kampanya nito sa Hong Kong Open na ginaganap sa Victoria Park Stadium.

Ito ang huling torneo na lalahukan ni Eala sa taong ito.

Sisimulan ni Eala ang kampanya nito laban kay Katie Boulter ng Great Britain sa opening round ng singles ngayong araw.

Nakatakda ang bakbakan nina Eala at Boulter kahapon sa alas-10 ng umaga subalit inilipat ito ng mga organizers.

Sa doubles, maagang napatalsik sa kontensiyon sina Eala at Chan Hao-ching ng Chinese-Taipei.

Yumuko sina Eala at Chan sa first round laban kina Kamilla Rakhimova ng Russia at Aliaksandra Sasnovich ng Belarus sa iskor na 6-3, 1-6, 7-10.

Huling naglaro si Eala sa Guangzhou Open na ginanap sa Nansha International Tennis Center sa Guangzhou, China.

Nakaabot si Eala sa semis ng doubles kasama si Nadiia Kichenok ng Ukraine.

Subalit yumuko sina Eala at Kichenok kina Katarzyna Piter ng Poland at Janice Tjen ng Indonesia sa semis, 7-6(4), 3-6, 5-10.

Bigo rin si Eala sa singles nang matalo ito kay Claire Liu ng Amerika sa first round, 6-2, 4-6, 4-6.