Very Important Person (VIP) ba ang may-ari ng Sport Utility Vehicle (SUV) na nakunan ng CCTV na 307 beses lumabag sa trapiko dahil sa pagdaan sa EDSA Busway mula pa noong 2022. Pagkalipas ng tatlong taon ay ngayon lang kumilos ang Land Transportation Office (LTO) at pinadalhan ng show cause order ang may-ari ng Montero Sport. Maimpluwensiya kaya ang may-ari at ngayon lang umaaksiyon ang LTO? Isa kayang mambabatas ang may-ari at hindi ginagalaw ng LTO?
Nag-request ang Metro Manila Development Authority (MMDA) sa LTO kaugnay sa paulit-ulit na pagdaan ng SUV sa EDSA Busway na umabot ng 307 violations. Ayon sa MMDA, hiniling nila sa LTO na mag-isyu ng SCO sa nasabing SUV. Sa pagberepika ng LTO, nabatid na ang SUV ay nairehistro noong 2022.
Hiniling ng LTO sa registered owner na dalhin ang driver ng sasakyan at mag-submit ng written explanation kung bakit hindi maaaring parusahan kaugnay nang sunud-sunod na paglabag sa batas trapiko. Ang driver ng SUV ay mananagot sa iba’t ibang paglabag tulad ng multiple disregard of traffic sign at obstruction at Improper Person to Operate a Motor Vehicle. Ang registered owner ay mananagot naman sa paglabag sa Compulsory Registration of Motor Vehicles.
Isang malaking katanungan kung bakit ngayon lamang nagpadala ng SCO ang LTO gayung 2022 pa nangyari ang paglabag. Hindi maiaalis na maimpluwensiya ang may-ari ng sasakyan kaya naging mabagal o hindi kumikilos ang LTO gayung nag-request na pala ang MMDA ukol dito.
Katanungan din naman sa MMDA kung bakit hindi naharang ng traffic enforcers ang SUV gayung maraming beses na palang dumaan. Naisyuhan ba nila ng citation tickets gaya ng ginagawa sa ibang motorista. Sa mga nakaraan, may mga MMDA enforcers na muntik nang masagasaan dahil sa pagpipilit ng lumabag na drayber na makaiwas. Bakit walang nagtangkang MMDA enforcers na humarang sa SUV? Natakot din ba sila dahil VIP ang may-ari ng SUV?
Maraming lumalabag dahil sa pagdaan sa EDSA Busway at nahuhuli naman ng mga nagbabantay na MMDA. May mga sasakyan na pag-aari ng senador, kongresista, mayor at iba pang public officials. Nahaharang naman ang mga ito at ang iba ay humihingi ng paumanhin. Mayroong isinusurender ang kanilang driver at pinagso-sorry sa nagawang paglabag.
Pero ang SUV na dumaan sa EDSA Busway ng 307 beses ay lubhang nakapagtataka kung bakit hindi agad naaksiyunan ng LTO. Ang ganitong mabagal na pagkilos sa mga gumawa ng paglabag ay hindi maganda. Maaring gayahin din ng iba at lalong lulubha ang problema.