EDITORYAL — Harapin ni Sara ang impeachment


Sa ginawang survey ng Social Weather Station (SWS) na kinomisyon ng Stratbase Group noong Hunyo 25-29 at nilahukan ng 1,200 respondents, 66 percent ng mga Pilipino ang sumasang-ayon na dapat harapin ni Vice President Sara Duterte ang impeachment complaint.

Ang National Capital Region ang may pinakamataas na porsiyento (76 percent) ng respondents na naniniwalang dapat harapin ni Sara ang impeachment case. Sumunod ang Balance Luzon, 69 percent; Visayas, 67 percent; at Mindanao, 55 percent. Ayon sa mga respondents, mas magkakaroon ng pagkakataon si Sara sa paglilitis para masagot ang mga alegasyon ng korapsiyon na ipinararatang sa kanya.

Kahapon, sinabi ng Office of the Vice President (OVP) na handa raw si Sara na harapin ang impeachment trial. Ang pahayag ay kasunod ng resulta ng SWS survey. Sabi ni OVP spokesperson Ruth Castelo, sabik na raw ang Vice President na maipresenta ang kanyang panig at mga ebidensya sa impeachment court upang mawala ang pagdududa sa kanya. May mga legal na hakbang na ginagawa umano ang kampo ng VP sa kasalukuyan. Nakaantabay din umano ang VP sa magiging desisyon ng Supreme Court sa kanyang impeachment case.

Na-impeached ng House of Representatives si Sara noong Pebrero. Sinampahan siya ng pitong kaso na kinabibilangan ng pagbabanta sa buhay nina Pre­­sident Bongbong Marcos, First Lady Liza Araneta, at House Speaker Martin Romualdez noong Nobyembre 2024. Sinabi ni Sara na may kausap na siyang papatay sa tatlo sakaling patayin siya; Pagwaldas ng confidential funds: P255 milyon mula sa P612 milyon ng OVP at DepEd pawang mga alyas ang pangalang tu­manggap na kinabibilangan ni Mary Grace Piatos; Panunuhol: Namahagi umano ng libu-libong piso si Sara sa DepEd officials na namamahala sa bidding at procurement; Hindi maipaliwanag na yaman. Wala sa Statements of Assets, Liabilities, and Net Worth niya ang kinitang P2 bilyon noong vice mayor at mayor siya ng Davao; Pag­patay ng Davao Death Squad. Inatasan umano ni Sara ang DDS na patayin ang suspected pushers at users; Pag-udyok ng sedisyon; at Pag-abuso ng kapangyarihan.

Dapat lamang na harapin ni Sara ang impeachment para maipaliwanag ang mga sakdal laban sa kanya. Dapat siya na mismo ang kumumbinsi sa Senado na idaos na ang impeachment trial para maipaliwanag niya ang lahat. Kapag nagtagal pa ang pagdinig, lalo lamang lulubha ang pagdududa sa kanya.