Pilipino Star Ngayon
August 22, 2025 | 12:00am
LABINLIMANG kompanya ang pinangalanan ni President Ferdinand Marcos Jr. na nakakopo ng bilyong pisong kontrata para sa flood control projects. Nagtataka siya kung bakit 15 lamang ang nakakuha ng kontrata sa Department of Public Works and Highways (DPWH) gayung may 60 kompanya na lumahok sa bidding para sa flood control projects.
Ang 15 kompanya ay ang mga sumusunod: Legacy Construction Corporation, Alpha & Omega Gen. Contractor & Development Corporation, St. Timothy Construction Corporation, QM Builders, EGB Construction Corporation, Topnotch Catalyst Builders Incorporated, Centerways Construction and Development Incorporated, Sunwest Incorporated, Hi-Tone Construction & Development Corporation, Triple 8 Construction & Supply Incorporated, Royal Crown Monarch Construction & Supplies Corporation, Wawao Builders, MG Samidan Construction, L.R. Tiqui Builders Incorporated, at Road Edge Trading & Development Services.
Ayon sa Presidente, ang Legacy Construction Corporation, Alpha & Omega Gen. Contractor & Development Corporation, St. Timothy Construction Corporation, EGB Construction Corporation at Road Edge Trading & Development Services, ay may mga flood control projects sa halos lahat ng rehiyon sa bansa.
Makaraang pangalanan, sinadya ni Marcos ang flood control project sa Calumpit, Bulacan noong Agosto 15 at nadismaya siya sa nakita. Tinipid ang pagkakagawa sa dike. Maraming bitak. May portion na nasira at doon dumaraan ang tubig. Substandard ang ginamit na bakal. Tinukoy ni Marcos ang St. Timothy Construction na nakakuha ng kontrata sa dike sa Calumpit.
Pero kung nadismaya siya sa nakita sa Calumpit, umusok naman ang kanyang ilong sa galit nang magtungo sa Brgy. Piel, Baliuag, Bulacan noong Miyerkules (Agosto 20) sapagkat wala siyang nakitang flood control project sa lugar. Wala kahit isang bakal at sako ng semento na nakita sa lugar. Ayon sa Presidente “ghost project” ito na ginastusan ng bilyong piso. Ang lalo pang nakapagpapakulo ng dugo, nakasaad sa report na tapos na ang project. At dahil tapos na, tiyak na nabayaran na umano ang contractor. Nagkakahalaga ang project ng P55.73 million.
Sabi ng Presidente, falsification ang ginawa ng contractor dahil nag-report sila na completed na pero kitang kita naman na hindi completed ang proyekto. Malaking violations ang ginawa ng contractor at mahaharap sa kasong economic sabotage.
Ang economic sabotage ay may kaparusahang habambuhay na pagkabilanggo. Kung magiging seryoso ang pamahalaan sa paghabol sa mga kontratistang dorobo, maraming mabibilanggo. Dapat kasama ring makulong ang mga kakutsaba ng contractor sa DPWH.
