HINDI pa naipaliliwanag ng Bureau of Immigration kung paano nakatakas ng bansa sina Alice Guo at kapatid nito noong Hulyo 2024, meron na namang “nakatakas” sa kamay nila. Nagpapakita lamang ito na talamak ang katiwalian sa nasabing tanggapan. Hindi na maikakaila kung gaano karumi ang Immigration na pera ang kumikilos. Mula pa noon, kilala na ang Immigration na batbat ng katiwalian at wala namang ginagawang reporma ang mga nauupong komisyoner.
Sinibak na ang tatlong Immigration personnel—isang drayber at dalawang escorts dahil sa pagpapatakas sa South Korean habang dumadalo sa hearing sa Quezon City Prosecutor’s Office noong Marso 4 kaugnay sa mga kasong isinampa rito. Ang pinatakas na South Korean ay nakilalang si Na Ikhyeon, 38.
Ayon sa tatlong Immigration personnel, nakatakas ang Koreano sa pamamagitan ng pagdaan sa comfort room sa Prosecutor’s Office. Pero sinabi ng tagapagsalita ng Immigration na si Dana Sandoval na nagsisinungaling ang tatlo. Pinatunayan ito ng mga kuha ng CCTV na kusang pinatakas ng tatlo ang Koreano.
“Tumakas po ang pugante na wala man lang humabol. Hinatid pa po s’ya sa isang lokasyon na hindi naman dapat pinupuntahan ng mga pugante. Very suspicious ‘yung mga actions ng ating mga tauhan. Ito ay hindi normal na activities ng ating personnel at mukhang may connivance itong puganteng ito doon sa mga nag-escort po sa kanya papunta doon sa piskalya,’’ sabi ni Sandoval na sinabi pang hindi nakaposas ang Koreano. Hanggang sa kasalukuyan, hindi pa naaaresto ang Koreano. Maaaring nakalabas na ito ng bansa na hindi namalayan ng Immigration.
Batbat ng korapsiyon ang Immigration. Sino ang makalilimot sa “pastillas scam” na modus ng mga korap na opisyal at empleyado ng Immigration. Ang “pastillas scam” ay umalingasaw noong 2021 nang dumagsa ang mga Chinese na empleyado ng POGO. Mabilis na nakapapasok sa bansa ang mga Chinese sa pamamagitan ng panunuhol sa mga korap na Immigration personnel. Binibilot na parang “pastillas” ang pera na isinusuhol. Bawat Chinese ay nagbabayad ng P10,000 para makapasok nang walang kuskos-balungos. Dumami ang undocumented Chinese sa bansa dahil sa katiwalian ng mga taga-Immigration.
Marami nang naging komisyuner ang Immigration subalit walang nagpatino sa mga korap na personnel. Sa halip na maakay sa mabuting pagsisilbi ay lalo pang nalubog sa kumunoy ng korapsiyon. Wala ni isa mang Immigration commissioner na nagsagawa ng reporma. Walang nakaisip na lipulin ang mga buwaya.
Kamakailan, sinabi sa pag-aaral ng UN Committee on Economic, Social and Cultural Rights na patuloy ang paglaganap ng korapsiyon sa mga sangay ng pamahalaan ng Pilipinas. Totoo ang kanilang pag-aaral. Mistulang kanser na ang katiwalian sa Pilipinas at patunay ang Bureau of Immigration.
