November 20, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Nakasentro ang lahat kay Karl Eldrew Yulo na target makasungkit ng gintong medalya sa 3rd FIG Artistic Gymnastics Junior World Championships na hahataw ngayong araw sa Manila Marriott Hotel Grand Ballroom sa Newport World Resort sa Pasay City.
Babanderahan ni Yulo ang kampanya ng Team Philippines kung saan optimistiko si Gymnastics Association of the Philippines (GAP) president Cynthia Carrion na magbubulsa ito ng gintong medalya.
Sumalang sa pukpukang ensayo si Yulo sa Japan bilang paghahanda nito sa World Juniors.
Ginabayan si Yulo ni veteran Japanese coach Munehiro Kugimiya sa training nito sa Sohgoh Gymnastics Club sa Nagoya.
Si Kugimiya ang tumulong kay Paris Olympic double gold medalist Carlos Edriel Yulo na maging isang world-class gymnast.
Si Carlos ang nakatatandang kapatid ni Eldrew.
Tinukoy ni Carrion ang floor exercise, parallel bars, rings at vault sa mga paboritong events ni Eldrew na inaasahang makakasungkit ito ng medalya.
Uumpisahan ang boys’ individual qualification at team event sa alas-10 ng umaga na hahatiin sa apat na subdivisions
Lalarga naman ang girls’ individual qualification at team event sa Biyernes na mayroon namang anim na subdivisions.
Ang Top 24 gymnasts ang papasok sa individual all-around final kung saan gaganapin ang boys’ finals sa alas-3 ng hapon at girls’ finals sa alas-7 ng gabi.
Itatampok naman ang finals ng apparatus sa Nobyembre 23 at 24.
Sa Nobyembre 23 ang finals ng boys’ floor exercise, pommel horse at rings gayundin ang girls’ vault at uneven bars.
Sa final day ang finals ng boys’ vault, parallel bars at horizontal bar at girls’ balance beam at floor.
