October 30, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Sumalpak ng panelyong tres si Matt Erolon upang itakas ang Adamson University sa overtime kontra University of Sto. Tomas, 97-96 sa second round ng UAAP Season 88 men’s basketball tournament na nilaro sa Mall of Asia Arena sa Pasay City kahapon.
Umahon mula sa walong puntos na pagkakalubog ang Falcons sa fourth quarter upang makahirit sila ng extra period.
Sa OT kumana si Erolon ng clutch three-pointer at may kasama pang foul, may 2.6 segundo na lang sa laro, nagmintis naman ang libreng tira nito kaya naubos ang oras at masilo ang pang-apat na sunod na panalo.
“Nung nakita ko na si Ray umatake, alam ko nang iki-kick out niya, nakita ko pinasa niya kay Monty and ‘yung tao ko which is si Forthsky nag-help sa kanya. Nakita ko ‘yun so pagsalo ko ng bola, shoot with confidence lang talaga ako,” masayang kuwento ni Erolon.
Sa siyam na puntos ni Erolon, ang game winning three ang pinaka importante kaya nilista ng Soaring Falcons ang 5-4 karta at saluhan ang biktima sa No. 4 spot ng team standings.
Pinamunuan ni Ray Allen Torres ang opensa para sa Adamson sa tinikadang 20 points habang tig-19 markers ang inambag nina Cedrick Manzano at Mathew Montebon.