December 15, 2025 | 12:00am
PINAGHAHANAP ngayon ng mga awtoridad sa Europe ang isang 44-anyos na babaing nagpanggap na “shaman” o espiritista matapos niyang lokohin ang maraming biktima at tangayin ang tinatayang $11 million (mahigit P640 million) sa pamamagitan ng kakaibang cleansing ritual scam.
Ang suspek na si Mariana Mijailovic, katuwang ang kanyang 19-anyos na anak na si Anna, ay nambiktima ng mga mayayamang kababaihan sa mga lansangan ng Munich, Germany at Vienna, Austria sa loob ng 10 taon.
Ang kanilang modus: nilalapitan ng mag-ina ang kanilang mga target at tinatakot ang mga ito gamit ang mga kuwento tungkol sa masasamang espiritu.
Sinasabi nilang ang mga mamahaling alahas ng biktima ay “isinumpa” at magdadala ng matinding kamalasan, sakit, o kamatayan sa kanilang pamilya kung hindi lilinisin.
Dahil sa takot, ibinibigay ng mga biktima ang kanilang mga alahas at nagbabayad pa nang malaking halaga para sa umano’y shamanic rituals o exorcism na tanging ang mag-ina lang daw ang makagagawa.
Matapos makuha ang pera at gamit, bigla na lang silang naglalaho at pinuputol ang komunikasyon.
Ayon sa prosecutors, hindi bababa sa 19 na tao ang naloko ng mag-ina. Isang biktima ang nagbayad ng mahigit $673,000 dahil sa paniniwalang sinasapian siya ng demonyo.
Ang isa naman ay nagbayad ng mahigit $65,000 sa pag-asang mapagagaling ng ritwal ang kanyang kanser, ngunit sa kasamaang-palad ay pumanaw din ito dahil sa sakit.
Nagsagawa ng raid ang Austrian police sa bahay ng mga Mijailovic sa Vienna kung saan tumambad sa kanila ang limpak-limpak na yaman: 25 kilo ng ginto, mga mamahaling relo, wedding rings, bundle ng dollars at Swiss francs, at 14 na sasakyan.
Naaresto sa operasyon ang anak na si Anna, pati na ang asawa at anak na lalaki ni Mariana. Gayunman, nakatakas at pinaghahanap pa rin ang mismong mastermind na si Mariana.
Sa desisyon ng korte, iniutos na magbayad lang ang pamilya ng mahigit $2 milyon. Ito ay dahil hindi napatunayan ng mga prosecutors na ang lahat ng nakumpiskang yaman ay galing sa panloloko, matapos igiit ng mga abogado ng suspek na ang iba dito ay galing sa regalo, mana, at real estate.