MANILA, Philippines — Isang 5-0 atake sa dulo ng fifth set ang ginawa ng Akari para talunin ang Choco Mucho, 20-25, 25-19, 25-23, 22-25, 16-14, sa 2024-25 Premier Volleyball League All-Filipino Conference semifinals kahapon sa Ynares Center sa Antipolo City.
Mula sa 11-14 pagkakaiwan sa fifth frame ay ibinangon nina Eli Soyud, Faith Nisperos at Mich Cobb ang Chargers para lusutan ang Flying Titans at ilista ang 1-0 record sa single-round semis.
Bumomba ang 29-anyos na si Soyud ng game-high 34 points mula sa 27 attacks at pitong blocks para palakasin ang tsansa ng Akari sa ikalawang sunod na finals stint.
“Iyon nga iyong lagi kong sinasabi kumakapit lang kami sa isa’t isa. Walang bibitaw kasi atin ito,” wika ng opposite hitter.
Nagdagdag si Ced Domingo ng 14 markers at may 11 points si Nisperos kasama ang cross court shot na tumapos sa laro, habang nagtala si Cobb ng 24 excellent sets.
Kumasa ng 25 excellent digs si libero Justine Jazareno at may walong puntos si Ivy Lacsina.
Binanderahan ni Sisi Rondina ang Choco Mucho sa kanyang 29 points at may 14 at 11 markers sina Royse Tubino at Isa Molde, ayon sa pagkakasunod.
Matapos ang hataw ng 5-foot-6 na si Rondina para sa 14-11 abante ng Flying Titans sa fifth set ay nakagawa si Regine Arocha ng service error na naglapit sa Chargers sa 12-14.
Umiskor si Nisperos na sinundan ng blangka ni Cobb sa atake ni Rondina para itabla ang Akari sa 14-14. Outside ang palo ni Rondina sa panig ng Flying Titans, habang ang cross court shot ni Nisperos ang sumelyo sa panalo ng Chargers.
