Garantiya at pananagutan | Pilipino Star Ngayon


IKAW AT ANG BATAS — Atty. Jose C. Sison — Pilipino Star Ngayon

January 17, 2026 | 12:00am

ANG kasong ito ay tungkol kay Arman, na inakusahan na nakipag sabwatan sa kanyang kaibigang si Anton at sa isang bank manager upang ilagay at ilipat ang pera mula sa account ni Anton.

Ginamit ang account ni Arman bilang daanan ng pera sa mga irregular na transaksyon.

Upang maitago ang kanilang mga gawain, iminungkahi ng bank manager na mangutang si Anton sa bangko sa pamamagitan ng isang credit line, na susuportahan ni Arman.

Dahil dito, lumagda si Arman sa isang continuing surety agreement, kung saan nangako siyang babayaran ang anumang utang ni Anton na hindi lalagpas sa P300,000, kasama ang interes.

Hindi natuloy ang credit line, ngunit umutang si Anton ng dalawang beses ng P150,000 na may interes na 24 percent kada taon at may dagdag na multa kung hindi mababayaran sa tamang oras.

Nang hindi makabayad si Anton, nagsampa ng kaso ang bangko laban sa kanya at isinama rin si Arman at ang bank manager.

Sa umpisa, ibinasura ang kaso laban kay Arman dahil walang sapat na ebidensya na nakipag sabwatan siya.

Ngunit nang humiling ng reconsideration ang bangko, binago ng korte ang desisyon at idineklara si Arman na mananagot kasama ni Anton sa utang na P300,000 at sa interes na 22 percent kada taon hanggang sa mabayaran ito.

Kinuwestiyon ni Arman ang desisyon ng korte, iginiit na hindi siya dapat managot dahil hindi natuloy ang credit line at wala pang aktwal na utang si Anton noong lumagda siya.

Ayon sa kanya, ang kontrata ay hindi nabuo kaya hindi siya obligado.

Tama ba si Arman?

MALI. Hindi tama ang paninindigan ni Arman. Kahit na nauna siyang lumagda sa surety agreement bago ang aktwal na utang, nananatili ang kanyang pananagutan.

Ang obligasyon ng isang guarantor ay tuwiran at tiyak, ginagarantiyahan nito ang mismong utang at obligasyon ng nangutang, kahit wala siyang personal na pakinabang sa transaksyon.

Sa madaling sabi, dahil sa kanyang garantiya, si Arman ay may direktang pananagutan sa bangko.

Ang kasunduan ay hindi nakasalalay sa pagkakaroon o hindi ng personal na interes, sapat na ang pangako na sagutin ang utang ni Anton.

Kaya’t naging legal at maayos ang desisyon ng korte na isama siya sa pagbabayad ng utang at interes (Totanes vs. China Corp., G.R. 179880 Jan. 19, 2009).