Garcia bumida sa grand exit ng Lady Stags


MANILA, Philippines — Malupit pa rin ang ipinakitang husay ni Divine Roshielle Garcia matapos nitong akayin ang San Sebastian College-Recoletos sa panalo kontra Emilio Aguinaldo College, 25-15, 23-25, 25-20, 25-16 sa NCAA Season 100 wo­men’s volleyball tournament na nilaro sa FilOil EcoOil Centre sa San Juan, Martes ng hapon.

Ginarahe ni Garcia ang 14 attacks points para sa Lady Stags na masayang mamamaalam ngayong season matapos ang matamis na panalo sa kanilang huling laro.

Humambalos din sina Kristine Joy Dionisio at Juna May Gonzales ng tig- 11 markers para tulungan ang San Sebastian College na ilista ang 8-10 karta at puwestuhan ang No. 7 sa team standings.

Samantala, umangat sa No. 3 sa team standings ang Arellano University matapos nilang kalusin  ang Lyceum of the Philippines University, 25-16, 21-25, 25-21, 16-25, 15-5 sa ikalawang laro.

Bumida sa opensa para sa Lady Chiefs si Samantha Gabrielle Tiratira na tumikada ng 15 points mula sa 11 attacks, tatlong blocks at isang service ace para tulungan ang Arellano na ilista ang 12-6 karta.