Gazz Angels buwenamano | Pilipino Star Ngayon


Russell Cadayona — Pilipino Star Ngayon

October 10, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Humataw si Fil-Am Brooke Van Sickle ng 14 points sa 25-21, 25-19, 25-14 paggiba sa Galeries Tower sa 2025 Premier Volleyball League (PVL) Reinforced Con­­fe­rence kahapon sa Dasmariñas Arena sa Cavite.

Nag-ambag si import Lindsey Vander Weide ng 13 markers at may 12 points si MJ Phillips para sa 1-0 record ng Gazz Angels sa Pool B.

“I’m just really happy to have this opportunity to able to play with them again and to be coach by my pa­rents,” sabi ni Van Sickle sa kanyang mga ma­gulang na sina Gary at Lisa na ba­go nilang head coach at assistant coach, ayon sa pag­kakasunod.

Umiskor sina reinforcement Jelena Cvijo­vic at Dodde Risa Joy Ba­tindaan ng tig-siyam na puntos sa panig ng Highrisers.

Bagama’t nanalo ay ami­nado si Gary na may ilang bagay pa siyang da­pat ayusin sa laro ng Petro Gazz, kasama sa Pool B ang Galeries Tower, nagde­depensang Creamline, Che­ry Tiggo, Akari at ZUS Coffee.

“There are things that we can fix during the practice. But overall it’s a good win,” wika ni Gary na pumalit kay interim coach Brian Esquibel matapos ang biglaang pagbibitiw ni Japanese mentor Koji Tsuzurabara sa kasagsagan ng nakaraang PVL on Tour.

Matapos ilusot ang 25-21 panalo sa second set ay madali namang nakontrol ng Gazz Angels ang se­cond frame, 25-19, para sa ka­nilang 2-0 abante sa laro.

Hindi na nakapalag ang Highrisers sa third set at tuluyan nang sumuko sa bak­bakan.