Giannis binalikat ang Bucks sa panalo


DALLAS — Humakot si Giannis Antetokounmpo ng 29 points, 9 rebounds at 9 assists habang may 28 markers si Damian Lillard sa 132-117 pagsuwag ng Milwaukee Bucks sa Mavericks.

Nag-ambag si Gary Trent Jr. ng 20 points para sa ikaanim na panalo ng Milwaukee (34-25) sa huli nilang pitong laro para upuan ang fourth place sa Eastern Conference.

Binanderahan ni Kyrie Irving ang Dallas (32-29) sa kanyang 31 points.

Lumalaban ang Ma­ve­­ricks sa West playoff race kung saan posibleng maglaro si Anthony Davis ngayong buwan mula sa isang groin injury.

Bukod kay Davis, nahugot sa Los Angeles La­kers kapalit ni Luka Doncic, may mga injury din sina big men Dereck Lively II at Daniel Gafford.

Sa Houston, humataw si DeMar DeRozan ng 21 points para igiya ang Sacramento Kings (31-28) sa 113-103 pagpapaputok sa Rockets (37-23).

Sa Memphis, ipinasok ni De’Aaron Fox ang isang 20-footer sa huling 2.6 segundo sa 130-128 pagtakas ng San Antonio Spurs (25-33) sa Grizzlies (38-22).

Sa Philadelphia, umiskor si Quentin Grimes ng career-high 44 points sa pagpigil ng 76ers (21-38) sa isang nine-game losing streak matapos ang 126-119 pagdaig sa Golden State Warriors (32-28).