Spain, Colombia bakbakan sa Futsal World Cup


Chris Co — Pilipino Star Ngayon

November 25, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Asahan ang matinding bakbakan ngayong araw tampok ang salpukan ng matitikas na tropa ng Spain at Colombia sa pagpapatuloy ng eliminasyon ng FIFA Futsal Women’s World Cup Philippines 2025 sa PhilSports Arena sa Pasig City.

Nakatakda ang engkuwentro ng Spain at Colombia sa alas-8:30 ng gabi matapos ang banggaan ng Canada at Thailand sa alas-6 ng gabi.

Kasalukuyang nasa No. 2 spot ang mga Spa­niards habang world No. 8 naman ang mga Colombians.

Paglalabanan ng Spain at Colombia ang top spot sa Group B.

Parehong maganda ang simula ng Spain at Colombia sa kanilang mga opening game matches sa torneong suportado ng Philippine Sports Commission at Philippine Football Federation.

Tinalo ng Spain La Roja ang No. 4 Thailand sa pamamagitan ng 5-2 desisyon tampok si Laura Cordoba na kumana ng dalawang goals sa ika-16 at ika-18 minuto ng laro para basagin ang 2-2 pagtatabla.

Inilampaso naman ng Colombians ang world No. 74 Canada sa iskor na 2-0.

Nagtala ng goal sa naturang panalo sina  Angely Camargo (16th) at Nicole Mancilla (30th) habang solido rin ang depensa ni Alisson Olave para sa South Americans.

“We’re happy with this start and we hope to carry it over to the next match against Colombia,” ani Spain coach Claudia Pons.