Gilas apektado ng eligibility rules sa SEAG


MANILA, Philippines — Posibleng si Justin Brownlee na lamang ang gamiting naturalized player ng Gilas Pilipinas sa pagdedepensa sa korona sa darating na 33rd Southeast Asian Games sa Thailand sa Disyembre.

Ito ay dahil sa pagsunod ng Thailand sa striktong eligibility rules ng FIBA sa basketball competitions sa 2025 SEA Games kung saan isang naturalized pla­yer lamang sa bawat ko­ponan ang maaaring isabak.

“At this point in time, I would say yes it will be different. But, again, there’s no solid plan. So, things can change. It can change for the better. It can change for the worse. We don’t know yet,” ani Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) executive director Erika Dy.

Sa paghahari ng Gilas sa 2023 SEA Games sa Cambodia no­ong Mayo ng 2023 ay naglaro sina Brownlee at Christian Standhardinger bilang mga naturalized players.

Nagparada rin ang Cambodia ng ilang naturalized players para makasampa sa gold medal round kung saan sila tinalo ng Gilas ni coach Chot Reyes.

Nakasama nina Brownlee at Standhardinger sa pamamayani ng Gilas team sa Cambodia SEA Games sina PBA players Marcio Lassiter, Jerom Lastimosa, Calvin Oftana, CJ Perez, Chris Ross, Brandon Ga­nuelas-Rosser, Chris Newsome at Arvin Tolentino at collegiate stars Mason Amos at Mike Phillips.

Nagtambal naman sina Brownlee at Ange Kouame bilang naturalized players sa pagkopo ng Gilas ni coach Tim Cone sa gold medal ng 18th Asian Games sa Hangzhou, China noong Oktubre ng 2023.