Gilas binuhat ni Brownlee sa quarterfinals


Chris Co — Pilipino Star Ngayon

August 13, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Tunay na maaasahan si naturalized player Justin Brownlee matapos buhatin ang Gilas Pilipinas sa 95-88 overtime win laban sa host Saudi Arabia upang makapasok sa quarterfinals ng FIBA Asia Cup na ginaganap sa King Abdullah Sports City sa Jeddah.

Hawak ng Saudi ang 77-71 abante sa huling 1:24 ng laro sa fourth quarter nang pamunuan ni Brownlee ang matikas na ratsada ng Gilas Pilipinas tampok ang umaatikabong three-pointer sa huling 3.7 segundo para dalhin ang laro sa overtime.

Pinuri ni Gilas head coach Tim Cone ang ma­tikas na ipinamalas ni Brownlee.

“If you know his (Brownlee’s) history, that’s not u­nusual. He has hit big shots, and I’m his coach in the club team,” ani Cone.

Nakatuwang ni Brownlee sina Dwight Ramos at Kevin Quiambao sa extra period upang tuluyang patumbahin ang Saudi Arabia at matamis na kunin ang panalo.

Hindi naman na bago si Brownlee sa ganitong mga sitwasyon dahil makailang ulit na itong naasahan ng Gilas sa mga krusyal na laban nito.

“When we played in the Asian Games, he was hitting big shots all the time, so this was no foreign thing for Justin. We just ran an old play to Justin that he’s familiar with. We got the switch that we wanted and got a little smaller guy on him and get the shot on the top,” ani Cone.

Nakalikom si Brownlee ng kabuuang 29 puntos, limang assists at apat na rebounds habang naram­daman ang presensiya ni Quiambao na may 17 puntos kabilang ang tatlong three-pointers.

Nagtala naman si Ramos ng 13 markers habang may double-double output si AJ Edu na 14 puntos at 11 rebounds.

Lamang ang Gilas  sa rebounds matapos humatak ng 48 boards kum­para sa 36 ng Saudi Arabia.

Nakakuha pa ang Pinoy cagers ng 23-13 edge sa assists at 4-2 bentahe sa blocks.