TNT lalapit sa finals berth


MANILA, Philippines — Lalapit ang TNT Tropang 5G sa inaasam na finals berth, habang mag-aagawan sa 2-1 lead ang mag-utol na San Miguel at Barangay Ginebra sa Game Three ng Season 49 Philippine Cup semifinals series sa Smart Araneta Coliseum.

Hawak ang 2-0 lead at nakatutok sa kanilang pa­ngarap na PBA Grand Slam, sasagupain ng Tropang 5G ang Elasto Painters ngayong alas-5 ng hapon kasunod ang upakan ng Beermen at Gin Kings sa alas-7:30 ng gabi.

Tinalo ng TNT ang Rain or  Shine sa Game One, 98-91, at tinakasan sa Game Two via overtime, 113-105, para sa tsansang mawalis ang kanilang best-of-seven showdown patungo sa PBA Finals.

Gagawin ito ng Tropang 5G sa kabila ng pagkakaroon ni Roger Pogoy ng hamstring injury sa second period sa Game Two at posibleng hindi makalaro kontra sa Elasto Painters.

“Focus on Game Three, that’s the only thing that’s within our control now, that’s the one thing that’s in front of us,” ani TNT coach Chot Reyes. “So we have no choice, to go to Game 3 with whoever it is that we have.”

Sa pagkawala ng 33-anyos na si Pogoy sa second quarter ay kumamada si Calvin Oftana ng game-high 39 points tampok ang tatlong free throw mula sa foul ni Gian Mamuyac sa huling walong segundo na nagresulta sa overtime.

Samantala, mag-uuna­han ang San Miguel at Ginebra sa pag-angkin sa 2-1 bentahe sa kanilang serye.