Gilas iiwas sa turnovers | Pilipino Star Ngayon


MANILA, Philippines — Tututukan ng Gilas Pilipinas ang ilang departamentong kailangan nitong ayusin upang manatiling buhay ang pag-asa nitong makapasok sa susunod na round ng FIBA Asia Cup na ginaganap sa Jeddah, Saudi Arabia.

Hindi man makuha ang awtomatikong tiket sa quarterfinals, handa ang Gilas Pilipinas na gawin ang lahat para makasikwat ng puwesto sa Final 8.

Tanging ang mangu­ngu­nang koponan lamang sa bawat grupo ang mabibiyayaan ng awtomatikong tiket sa knockout quarterfinal stage. Ang No. 2 at No. 3 teams naman ay daraan sa playoffs para sa nalalabing tiket sa quarterfinals.

Kaya naman gumagawa na agad ng solusyon si Gilas Pilipinas head coach Tim Cone matapos lumasap ang kanyang bataan ng 87-95 kabiguan sa kamay ng Chinese-Taipei sa kanilang unang laro.

Isa sa mga tututukan ang turnovers ng tropa na kailangang malimitahan sa kanilang susunod na laban kontra sa Iraq.

Nagtala ang Gilas Pilipinas ng 16 turnovers laban sa Chinese-Taipei.

Mula sa naturang turnovers, nakagawa ang Chinese-Taipei ng 18 puntos.

Gayunpaman, hindi pa rin nawawalan ng pag-asa ang Gilas Pilipinas.

“This may be a big roadblock for us right here, but it’s something that we have to overcome,” ani Cone.

Handa ang Pinoy ca­gers na ibuhos ang lahat upang masigurong hindi uuwi ng maaga ang kanilang tropa.

“If we have to come through the loser’s bracket, then we’ll try to do that. “We can feel bad about this one as much as we want. We can cry about it even,” dagdag ni Cone.

Nakatakdang sagupain ng Gilas Pilipinas ang Iraq sa huling asignatura nito sa group stage bukas (Sabado).