MANILA, Philippines — Bigo ang Gilas Pilipinas na magkaroon ng engradeng simula nang umani ito ng 87-95 pagyuko sa Chinese-Taipei sa unang araw ng 2025 FIBA Asia Cup kahapon sa King Abdullah Sports City sa Jeddah, Saudi Arabia.
Bagsak sa 0-1 ang Gilas Pilipinas sa Group D.
Sinamantala ng Chinese-Taipei ang mabagal na simula ng Pinoy squad kung saan umarangkada si Taiwanese scoring machine Chen Ying-Chun para pamunuan ang kanilang tropa.
“Obviously, we didn’t play a very good one. Disappointed with the way we play, we got behind early in the game and just played on our heels the whole way like we’re in a panic mode for 40 minutes,” ani Cone.
Nagpasabog si Chen ng 34 puntos tampok ang 6-of-8 shooting clip sa three-point area. Mayroon pa itong 8-of-9 sa free throw area para pamunuan ang Chinese-Taipei sa 1-0 rekord sa Group D.
Makailang ulit na nagmintis ang Gilas sa unang yugto ng bakbakan dahilan para malugmok ito sa 17 puntos.
Nagawang pumalag ng Pinoy squad nang humataw ito ng sariling run sa huling bahagi ng laro kabilang ang three-pointer ni Kevin Quiambao para makadikit sa 74-80.
Subalit iyon na lamang ang nakayanan ng Gilas Pilipinas para tuluyang malugmok.
Nanguna si Brownlee para sa Gilas nang humakot ito ng 19 puntos at pitong rebounds habang nagdagdag sina Quiambao at Dwight Ramos ng 17 at 16 markers, ayon sa pagkakasunod. Naramdaman din si Scottie Thompson na may 16 puntos, pitong rebounds at limang assists.
Nasayang ang 48-24 dominasyon ng Gilas sa rebounding department matapos magtala ng 16 turnovers.
Kumana ang Chinese-Taipei ng 12-of-27 shooting sa three-point area.
Nakasama ni Chen sa ratsada si naturalized player Brandon Gilbeck na may 16 puntos at siyam na boards habang naglista naman sina NCAA Division 1 standout Robert Hinton at Lin Ting Chien ng tig-14 puntos.
Sunod na makakasagupa ng Gilas ang New Zealand sa alas-11 ng gabi ngayong araw (Huwebes).
