MANILA, Philippines — Optimistiko si Gilas Pilipinas head coach Tim Cone na mas magiging solido ang galawan ng kanyang bataan sa oras na tumapak ito sa Jeddah, Saudi Arabia para sa FIBA Asia Cup na papalo na sa susunod na linggo.
Tumulak na patungong Jeddah ang buong delegasyon ng Gilas Pilipinas kahapon kasama ang ilanhg opisyales ng Samahang Basketbol ng Pilipinas.
Galing ang Gilas Pilipinas sa 103-98 panalo laban sa Macau Black Bears noong Lunes sa isang friendly game sa Smart Araneta Coliseum.
Hindi nakapaglaro sa naturang tune-up sina June Mar Fajardo at Calvin Oftana na parehong naglaro sa PBA Philippine Cup finals.
Parehong may iniindang injury sina Fajardo at Oftana.
Ngunit umaasa si Cone na makapaglalaro ang mga ito lalo pa’t kailangan sila ng Gilas Pilipinas.
“He (Fajardo) will have two or three more days off from physical activities,” ani Cone.
Inaasahang makakapag-ensayo na si Fajardo sa oras na lumapag ang Gilas sa Jeddah.
“But we expect him to start practicing when we arrive there in Jeddah,” ani Cone.
Malaki ang magiging papel ni Fajardo sa Gilas dahil ito ang magiging katuwang nina Japeth Aguilar, AJ Edu at Carl Tamayo sa ratsada.
“He changes the game for us. We have to play a different way with June Mar on the floor,” ani Cone.
Magiging armas ni Fajardo ang malalim nitong karanasan para makasabay sa matitikas na center sa Asya.
“He has such an impact that you have to play differently when he’s on the floor,” ani Cone.
Pagdating sa Jeddah, agad na sasalang sa ensayo ang Gilas Pilipinas.
Kabilang pa sa mga magiging aktibidad ng Pinoy cagers ang isa pang tune-up game laban naman sa Jordan bago magsimula ang FIBA Asia Cup.
Unang makakalaban ng Gilas Pilipinas sa FIBA Asia Cup ang Chinese-Taipei sa Agosto 6.
Kasunod nito ang New Zealand sa Agosto 7 at ang Iraq sa huling araw ng group stage sa Agosto 9.
Ang mangungunang koponan sa bawat grupo ay awtomatikong uusad sa quarterfinals habang ang No. 2 at No. 3 ay daraan sa playoffs para sa nalalabing tiket sa quarterfinals.
