November 23, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Magiging magaan ang simula ng kampanya ng Gilas Pilipinas sa 2025 Southeast Asian Games men’s basketball tournament na idaraos sa Disyembre 9 hanggang 20 sa Bangkok, Thailand.
Base sa inilabas na schedule ng Basketball Sport Association of Thailand, nasa Group A ang Gilas Pilipinas kasama ang Malaysia at Vietnam habang magkasama naman sa Group B ang host Thailand at Indonesia gayundin ang Singapore at Myanmar.
Hindi kasali ang 2023 SEAG runner-up Cambodia base sa inisyal na schedule na inilabas ng Thailand SEA Games organizers.
Unang makakalaban ng Gilas ang Malaysia sa Disyembre 14 sa alas-11:30 ng umaga kasunod ang Vietnam sa Disyembre 15 sa alas-11:30 rin ng umaga.
Gaganapin ang mga laro sa Nimibutr Stadium sa Bangkok.
Ang mangungunang koponan sa bawat grupo ang aabante sa semifinals habang ang No. 2 at No. 3 teams ay maglalaban sa crossover playoffs para sa huling dalawang silya sa semis.
Magsisimula ang semis sa Disyembre 18 habang gaganapin naman sa Disyembre 19 ang gold medal match.
Ipaparada ng Gilas si naturalized player Justin Brownlee. Gagabayan ang tropa ni veteran mentor Norman Black.
Kasama rin sa lineup sina Bobby Ray Parks, Matthew Wright, Thirdy Ravena, Dave Ildefonso, Jason Brickman, Ange Kouame, Rey Martin, Brandon Ganuelas-Rosser, Mike Phillips, Kymani Ladi at Veejay Pre.
Sa women’s division, nasa Group B naman ang Gilas Women kasama ang Malaysia at Singapore habang nasa Group A ang host Thailand, Vietnam at Indonesia.
Sa parehong venue lalaruin ang women’s basketball.
Unang makakasagupa ng Gilas Women ang Malaysia sa Disyembre 13 kasunod ang Singapore sa Disyembre 14.
