August 14, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Tuluyan nang namaalam sa kontensiyon ang Gilas Pilipinas matapos lumasap ng 60-84 demolisyon sa kamay ng defending champion Australia sa quarterfinals ng FIBA Asia Cup na ginaganap sa King Abdullah Sports City sa Jeddah, Saudi Arabia.
Mainit ang simula ng Australia na nagpasabog ng kaliwa’t kanang tres — tatlo dito galing kay Jaylin Galloway at dalawa naman mula kay Jack McVeigh para sa 29-12 abante.
Napanatili ng Australia ang magandang momento sa second quarter kung saan lumobo pa sa 20 puntos ang bentahe nito para isara ang first half tangan ang 48-28 bentahe.
Mula dito ay hindi na lumingon pa ang Australia matapos masawata ang anumang pagtatangka ng Gilas kasabay ng solidong opensa upang makuha ang panalo at umusad sa semis.
Nanguna para sa Gilas si Kevin Quiambao na nagtala ng 17 puntos tampok ang apat na three-pointers kasama ang apat na rebounds habang naglista naman si Dwight Ramos ng 15 puntos, pitong boards at dalawang assists.
Nag-ambag si naturalized player Justin Brownlee ng 10 puntos at apat na boards samantalang may walong puntos at walong rebounds si AJ Edu.
Limang players ng Australia ang nagtala ng double digits sa pangunguna ni Owen Foxwell na may 17 markers.
Dominado ng Australia ang shooting department matapos magtala ng 43-32 edge sa field goals habang may 36.6 percentage ito sa three-point area.
Lamang din ang Boomers sa shaded area matapos humatak ng 57 rebounds kumpara sa 36 lamang ng Gilas.
Gayunpaman, magandang kampanya na para sa Gilas Pilipinas ang makapasok sa quarterfinals ng FIBA Asia Cup.
Nalampasan na ng Gilas Pilipinas ang ninth place finish nito sa huling edisyon ng FIBA Asia Cup na ginanap sa Jakarta, Indonesia noong 2022.
Matatandaang bigo na makapasok sa quarterfinals ang Gilas noon nang lumasap ito ng 81-102 kabiguan sa kamay ng Japan sa playoffs.
