Indonesia taob sa Gilas Youth


MANILA, Philippines — Kinailangan ng Gilas Youth na kumayod ng husto bago itakas ang 77-68 panalo laban sa Indonesia sa SEABA Qualifiers na ginaganap sa Bren Z. Guiao Convention Center sa San Fernando City, Pampanga.

Ang panalo ay nagdala sa Pinoy cagers sa ikaapat na sunod na panalo para manatili sa tuktok ng stan­dings.

Aminado si Gilas Pilipinas Youth coach LA Tenorio na dumaan sa butas ng karayom ang kanyang tropa.

“Mabuti na rin na nga­yon ito nangyari samin, hindi sa finals. But, di pa namin iisipin yon. We still have one more game left,” ani Tenorio.

Pakay ng Gilas Youth na mawalis ang lahat ng asignatura nito sa eliminasyon sa pakikipagtipan sa Malaysia sa larong nakatakda ng Huwebes ng gabi.

“We didn’t come here to blow out opponents. We came here to win, so we’re taking this. It’s good that this was a close game. Baka akala nang mga players, laging ganon ang mangyayari,” ani Tenorio.

Nanguna para sa Gilas Youth si Prince Carino na kumana ng 15 puntos, nagdagdag naman si Travis Pascual ng 13 markers.

Naramdaman din si Jolo Pascual na may 12 points samantalang may tig-10 puntos naman sina Carl Delos Reyes at Everaigne Cruz para sa Pinoy squad.

Bumandera sa hanay ng Indonesia si Benjamin Hernusi na nagsumite ng 23 puntos.