MANILA, Philippines — Sesentro na ang atensiyon ni Gilas Pilipinas head coach Tim Cone sa training camp ng kanyang tropa na naghahanda para sa FIBA Asia Cup na gaganapin sa susunod na buwan sa Jeddah, Saudi Arabia.
Tapos na muna ang tungkilin ni Cone sa Barangay Ginebra na natalo sa San Miguel Beer sa Game 7 ng best-of-seven semifinal series ng PBA Philippine Cup.
Ngunit walang magiging pahinga si Cone dahil tututukan naman nito ang preparasyon ng Gilas Pilipinas para sa matinding laban na haharapin nito sa FIBA Asia Cup.
Kaya naman todo kayod na si Cone sa pagbuo ng solidong game plan upang maging maayos ang rotation ng Gilas Pilipinas sa bawat laban nito.
Muling sumalang ang Gilas Pilipinas sa ensayo kasama na sina naturalized player Justin Brownlee at AJ Edu na parehong galing sa Amerika.
Dumalo na rin ang ilan pang Gilas Pilipinas players para ipagpatuloy ang pagpapakundisyon para sa FIBA Asia Cup.
Magiging malaki ang papel ni Edu na siyang pupuno sa nabakanteng puwesto ni Kai Sotto na kasalukuyang nagpapagaling pa matapos sumailalim sa operasyon dahil sa ACL injury.
Aminado si Edu na malaking kawalan si Sotto sa kanilang lineup.
Dahil dito, doble kayod ang gagawin ni Edu upang makatulong sa kanilang tropa.
“Not just me, but all of us as a team have to step up when our star players are out. But yeah, for sure. On my end, I have to step up as well,” ani Edu.
Alam ni Edu ang pinagdadaanan ni Sotto dahil galing din ito sa ACL injury noong nakaraang taon.
“For us playing in the B.League, we’ve been out… it’s been offseason for a couple of months now so me, I’m just trying to get back to 100 percent game shape and yeah, get ready for this upcoming tournament,” ani Edu.
