Gilas training camp sisimulan na


MANILA, Philippines — Mas magiging mahaba ang preparasyon ng Gilas Pilipinas para sa 2025 FIBA Asia Cup na gaganapin sa Jeddah, Saudi Arabia sa Agosto.

Mismong si Gilas Pilipinas head coach Tim Cone na ang nagkumpirma na sisimulan agad ang paghahanda ng kanyang bataan sa Hunyo 30.

Mas maaga ito kumpara sa nauna nang plano na Hulyo 27.

Ayaw na ni Cone na patagalin pa ang pagsisimula ng ensayo dahil matinding laban ang haharapin ng Gilas sa FIBA Asia Cup.

Orihinal sanang tatapusin muna ang PBA Philippine Cup bago magsimula ang training camp ng Gilas.

Sa kasalukuyan, nasa quarterfinal round na ang Philippine Cup at inaasahang matatapos sa huling bahagi ng Hulyo.

Subalit ayaw ni Cone na maghintay pa.

Kailangan nang masi­mulan ang preparas­yon para mabilis na makabuo ng chemistry ang Gilas.

Sesentro muna ang atensiyon ni Cone sa Phi­lippine Cup kung saan pasok ang Ginebra sa semis laban sa San Miguel Beer.

Habang wala si Cone, mamanduhan muna nina assistant coach Sean Chambers at Richard Del Rosario ang training camp ng Gilas.

Sa oras na matapos ang duties ni Cone sa PBA, agad itong lilipat sa Gilas Pilipinas para masigurong nasa perpektong kundis­yon ang kanyang tropa.

Target ni Cone na magkaroon ng 18 ensayo kasama ang mga tuneup games bago ang pagsabak nito sa FIBA Asia Cup sa Agosto 5.

Inaasahang darating na sa bansa si naturalized player Justin Brownlee na kasalukuyang nasa Amerika matapos magpa­galing sa kanyang injury sa kamay.