MANILA, Philippines — Swak sa World Cup Qualifiers at mananatili sa Division A ang Gilas Pilipinas women matapos daigin ang Lebanon, 73-70, sa pagtatapos ng 2025 FIBA Women’s Asia Cup Division A elimination round kahapon sa Shenzhen Sports Center sa China.
Kumamada ng 15 puntos si Naomi Natalie Panganiban kabilang na ang panapos na free throws para selyuhan ang panalo ng Gilas sa kabila ng muntikang balikwas ng Lebanon mula sa 17 puntos na pagkakatambak.
Humakot ng 14 puntos at 16 rebounds na double-double si Jack Animam sahog pa ang 5 assists at 3 steals habang may 14 puntos din si Sumayah Sugapong.
Nagtapos sa 1-2 kartada ang Gilas para tersera puwesto sa Group B at makakaharap ang No. 2 sa Group A na New Zealand o kaya South Korea para hamunin ang world No. 2 at unbeaten na Australia.
Subalit higit doon, nakasikwat ng tiket sa qualifying round ng 2026 FIBA Women’s World Cup sa Germany ang Gilas dahil sa siguradong Top 6 finish.
Mananatili rin sa Division A ng Asian tourney ang Gilas dahil dito kasabay ng pag-iwas sa relegation match sa Division sana sa pagitan ng mga kulelat na koponan.
Sa halip, Lebanon ang nalaglag dito at makikipaglaban sa Indonesia para matengga din sa Division A.
Ang matatalo sa tapatan nila ay malalalag sa Division B.