Gilas Women target ang World Cup spot


MANILA, Philippines — Ang podium finish ang pupuntiryahin ng Gilas Pilipinas Women sa kanilang pagsabak sa 31st FIBA Women’s Asia Cup sa Hul­yo 13-20 sa Shenzhen, China.

Ang FIBA Asia Cup ang magsisilbing quali­fying tournament ng 2026 FIBA Women’s World Cup na idaraos sa Germany at kailangan ng mga Pinay cagers na tumapos sa top six para makakuha ng tiket.

Kasama ng Gilas Wo­men sa Group B ang mga bigating Australia, Japan at Lebanon, habang nasa Group A ang China, New Zealand, South Korea at Indonesia.

Unang makakatapat ng Nationals ang mga Aussie sa Hulyo 13 kasunod ang mga Japanese sa Hulyo 14 at ang mga Lebanese sa Hulyo 16.

Sina 6-foot-5 center Jack Animam at Notre Dame guard Vanessa de Jesus ang muling babandera sa Gilas Women kasama sina Sumayah Sugapong at Naomi Panganiban.

Idinagdag ni coach Patrick Aquino sa 12-woman lineup sina two-time UAAP MVP Kacey Dela Rosa at UAAP Season 87 Rookie of the Year at Finals MVP Cielo Pagdulagan.

Isasalang din sina collegiate stars Kent Pastrana ng University of Santo Tomas, Louna Ozar ng University of the Philippines, Angel Surada ng National University at Yvette Villanueva ng Far Eastern University.