August 31, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Aarangkada na ang misyon ng Gilas Pilipinas Youth na makabalik sa FIBA U17 World Cup sa paglarga ng 2025 FIBA U16 Asia Cup ngayon sa Buyant Ukhaa Sport Complex sa Ulaanbaatar, Mongolia.
Unang haharang sa daan ng No. 35 na Batang Gilas ang No. 51 na Chinese Taipei sa alas-7 ng gabi (Manila time) upang buksan ang aksyon sa Group B tampok din ang No. 89 na Indonesia at No. 15 na New Zealand.
Mamando sa Gilas youth si LA Tenorio para sa kanyang ikalawang torneo kasama ang koponan buhat nang italaga ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) na palitan si Josh Reyes.
Matatandaang matagumpay ang naging debut ni Tenorio sa Gilas Youth na trinangkuhan niya sa sweep ng SEABA Qualifiers kontra sa Indonesia, Thailand, Malaysia, Vietnam at Singapore upang makapasok sa Asia Cup.
Pagkatapos noon ay pinangalanan ding ang bagong head coach ng Magnolia Hotshots sa PBA ang 41-anyos na si Tenorio subalit itutuon muna ang atensyon ngayon sa national team.
Misyon ni Tenorio na maipasok sa 2026 FIBA U17 World Cup sa Turkey ang Gilas na ginabayan ni Reyes sa 2024 World Cup edition sa parehong bansa matapos ang semifinal finish sa 2023 FIBA Asia Cup.
Upang magawa ito ay kailangan ulit makapasok ng Gilas sa Final Four para masungkit ang ikaapat nilang World Cup appearance.