Gilas Youth tumukod sa New Zealand


John Bryan Ulanday — Pilipino Star Ngayon

September 3, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Taob ang Gilas Pilipinas Youth kontra sa New Zealand, 84-54, upang bigong makasikwat ng direktang tiket sa quarterfinals ng 2025 FIBA U16 Asia Cup kahapon sa Buyant Ukhaa Sport Complex sa Ulaanbaatar, Mongolia.

Natulog sa pansitan ang Nationals, 1-15, at hindi na nakaahon pa tungo sa paglasap ng pambihirang 31-puntos na kabiguan.

Tanging sina Jhustin Hallare at Mark Jhello Lumagub na may 13 at 11 puntos, ayon sa pagkakasunod, lang ang nakapagpasiklab para sa mga manok ni coach LA Tenorio.

Sa kabila ng pagkatalo, swak pa rin sa susunod na round bagama’t mas mahirap na proseso ang No. 35 na Gilas bilang No. 3 seed sa Group B.

Semplang din ang Gilas sa No. 51 at Group B No. 2 seed na Chinese Taipei, 106-82, sa opener habang nakabawi sa No. 89 at walang panalong Indonesia (0-3) na nasibak na sa kontensyon.

Sa qualification to the quarterfinals din dumaan ang Gilas sa ilalim ng da­ting head coach na si Josh Reyes noong 2023 FIBA U16 Asia Cup subalit sinilat ang South Korea at Japan para makaabot sa Final Four at makasikwat ng tiket sa 2024 FIBA U17 World Cup sa Turkey, na siyang host pa rin sa 2026 edition.

Umiskor ng 17 puntos si Liam Anthony Keogh  para sa New Zealand.