Gin Kings bibida sa Dubai at Bahrain games


John Bryan Ulanday — Pilipino Star Ngayon

September 28, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Bibida sa dalawang out-of-country games ang crowd favorite na Barangay Ginebra matapos ding mailista sa Bahrain games ng PBA Season 50 sa Disyembre.

Kaaanunsyo lang sa Gin Kings bilang star sa pagbabalik ng liga sa Dubai, United Arab Emi­rates sa Oktubre bago banderahan ulit ang 2-game, 3-team event ng PBA sa Bahrain sa unang pagkakataon sa kasaysayan.

Makakasama rito ng Ginebra ang Magnolia at Rain or Shine sa Disyembre 15 hanggang 17 bilang selebrasyon ng PBA ng ika-50 anibersaryo nito at ng Bahrain Basketball Association (BBA) ng ika-25 na anibersaryo nito.

Bida na ang Ginebra sa unang abroad game ng PBA sa Oktubre 26 kontra sa karibal at kapatid na San Miguel Beer para sa isa sa top-bill game ng papasimulang 2025 PBA Philippine Cup.

Isasabay din ang naturang PBA games sa Bahrain Day tampok ang libu-libong Pinoy sa Middle East sa Disyembre 16 na pangungunahan nina PBA Commissioner Willie Marcial at BBA President Alaa Mudara.

Unang sasalang sa makasaysayang Bahrain games ang Rain or Shine at Magnolia sa gabay ng bagong head coach na si LA Tenorio sa Disyembre 15 bago ang duwelo ng Elasto Painters at Gin Kings sa Disyembre 17.

Pumayag si RoS head coach Yeng Guiao na sila ang sumalang sa back-to-back games kahit pa katapat ang 2 sa top championship contenders ng liga.

Subalit hindi na bago kay Guiao na minanduhan din ang dating team na NLEX Road Warriors sa back-to-back games noong 2019 Governors’ Cup sa Dubai na siya ring nagsilbing huling out-of-country ng PBA.