Glaiza at David, trinatrabaho na ang anak!


SHOWBIZ NEWS NOW NA! — Boy Abunda — Pilipino Star Ngayon

August 15, 2025 | 12:00am

Taong 2021 nang unang magpakasal sina Glaiza de Castro at David Rainey sa Ireland. Muling nagpakasal sa Pilipinas ang mag-asawa noong 2023. Ngayon ay nakahanda na umanong magbuntis ang aktres. Kasalukuyang nasa Ireland ang mister ni Glaiza.

“Gusto ko nang magkaanak. Isa ‘yon sa projects na talagang tinatrabaho namin ngayon ni David,” pagtatapat ni Glaiza sa Think Talk Tea podcast ni Kring Kim.

Mahigit dalawang dekada nang aktibo ang aktres sa show business. Para kay Glaiza ay napa­panahon na upang pagtuunan ng pansin ang kanyang personal na buhay.

“Kasi parang ang tagal ko nang umaarte, ang tagal ko nang ibinigay ‘yung sarili ko do’n sa industriya na thankful naman ako talaga. Gusto kong i-emphasize ‘yon. Napapagod ako, yes, wala akong hatred towards it. Kumbaga parang ano lang ibang priority kasi parang sa tagal ko na rin na ginagawa ‘to, ‘yon nga eh, makikita mo na may ibang reality ka pa pala,” makahulugang paliwanag niya.

Ayon kay Glaiza ay talagang nagbago ang kanyang pananaw sa buhay mula nang makilala ang mister noong 2018. Si David umano ang nagparamdam sa aktres kung paano mamuhay bilang isang ordinaryong tao.

“No’ng time na na-meet ko si David, ‘yon ang isa sa mga realizations ko na reality ko ito pero iba ‘yung reality ko ‘pag kasama ko siya. Kasi hindi ako si Glaiza de Castro, hindi ako artista, hindi ko kailangang umarte, hindi ko kailangang isipin ‘yung hitsura ko, hindi ko kailangang isipin kung ano ang kailangan kong gawin. Ini-enjoy ko lang ‘yung buhay ko na kasama ko siya na nasa ibang bansa ako,” nakangiting kwento ng Kapuso actress.

Yasmien, suportado ang sustainable fashion

Mayroong makahulugang kwento ang upcycled gown na isinuot ni Yasmien Kurdi sa ginanap na GMA Gala kamakailan. Aniya ay talagang mahalaga para sa kanya ang pulang gown na ito. “Naisip ko kasi ‘yung idea na, gusto ko sana ng sustainable fashion naman, dahil very timely siya and all. And at the same time, gusto ko ng gown na simple, elegant yet meaningful for the 75th anniversary of GMA. Para something naman na may dating kasi babalik ulit ako ng GMA, sa Gala. I want something na may impact, sentimental ba, may istorya,” paglalahad sa amin ni Yasmien sa Fast Talk with Boy Abunda.

Maraming alaala ang nanumbalik sa isipan ng aktres dahil sa lumang gown na kanyang isinuot. Ito rin kasi ang kanyang damit na isinuot sa mismong finale ng StarStruck mahigit dalawang dekada na ang nakalilipas.

“It brings a lot of memories. Sinabi ko siya sa stylist ko, kay Gabby Wu. Ang sabi niya sa akin, ‘Do you have any gown from before, from the past na pwede nating i-upscale?’ I thought of my, ‘yung judgment night na gown, sa StarStruck ‘to, 21 years ago. Tapos sabi niya sa akin, ‘Para respeto lang sa designer (JC Buendia), sabihan mo siya.’ No’ng sinabi ko kay JC, sobrang happy niya. Masaya din kasi para siyang reunion. We had a chance to have a conversation unlike before na I was very young, nahihiya ako. Si sir JC kasi now, he’s into meaningful projects. Timing din kasi very meaningful din for me ‘yung gown,” pagdedetalye ng aktres. (Reports from JCC)