MANILA, Philippines — Nag-donate ang Globe ng 10 refurbished laptops sa ilang barangay sa Bohol upang simulan ang kanilang digitalization journey at paggamit ng eGovernance bilang suporta sa digital inclusion at pagpapaunlad sa mga pamayanan.
Ang mga laptop ay susuporta sa trabaho ng Lupon Tagapamayapa, isang grupo sa barangay na naatasang tumulong sa mapayapang pagresolba ng mga alitan sa komunidad.
Sa paglipat mula sa mga typewriter patungo sa paggamit ng mga laptop, mababawasan ang mga manual error, mas madali nang mapanatili ang mga digital record kaysa sa mga hard copy, makakapagpadala at makakatanggap ng mga dokumento sa pamamagitan ng email, at mas ligtas na maitatago ang mahahalagang files.
Sa isang maliit na hakbang na ito, makakatulong ito upang mas maging maayos ang mga proseso araw-araw at mapagtutuunan ng pansin ng mga barangay official ang mga mas mahahalagang bagay.
Ginanap kamakailan ang turnover sa Bohol Provincial Capitol sa Lungsod ng Tagbilaran, kung saan si Board Member Benjie Arcamo—na kumatawan kay Vice Governor Tita Baja—ang nagbigay ng pangunahing talumpati.
Kasama niya sina 1st District Board Member Aldner Damalerio, Liga ng mga Barangay President Romulo Cepedoza, at Globe Vice President for External Affairs Patrick Gloria.
Kapwa nagpaabot ng pasasalamat sina BM Arcamo at Cepedoza sa Globe at kay BM Damalerio sa kanilang walang sawang suporta sa pagsusulong ng ICT development sa buong lalawigan. Nagbahagi rin ng taos-pusong mensahe si Barangay Captain Joseph Sagaral ng San Isidro, Tagbilaran City, bilang kinatawan ng lahat ng benepisyaryo.
Ang inisyatibong ito ay sumusuporta rin sa Strategic Change Agenda ng lalawigan sa ilalim ni Governor Aris Aumentado, na nagsusulong ng digital inclusion at katatagan ng komunidad sa loob ng Bohol Island UNESCO Global Geopark at Regenerative Island framework.
Playtime at Binibini…, tuloy ang partnership
Inanunsyo ng PlayTime, isa sa nangungunang online entertainment platforms, ang patuloy nitong pakikipagtulungan sa Binibining Pilipinas Charities, Inc. (BPCI).
Ang kolaborasyong ito ay nagsisilbing pagdiriwang ng kanilang iisang layunin – ang bigyang kapangyarihan ang mga Filipina upang baguhin ang kanilang buhay, itaguyod ang kanilang mga passion, at maging inspirasyon para sa positibong pagbabago sa mundo.
Ang pakikipagtulungang ito ay sumisimbolo ng isang bagong yugto sa pageant sponsorship –isang hakbang na lampas sa tradisyunal, na gumagamit ng walang hanggang potensyal ng digital media upang maipahayag ang mga kwento ng lakas, kagandahan at layunin.
Sa pagpasok ng ika-61 taon nito, ang Binibining Pilipinas ay patuloy na nagsisilbing plataporma para sa mga Filipina upang magsikap, mamuno, at maging inspirasyon, mula entablado hanggang sa pandaigdigang arena.
Nakatakdang ganapin ang Binibining Pilipinas 2025 Grand Coronation Night sa Hunyo 15, 2025 at ito ay mapapanood via livestream sa opisyal na Facebook page ng PlayTime.
