Dalawa na ang bagyong nananalasa sa ating bansa, ang bagyong Dante at Emong. Kaya tengga pa rin ang karamihan sa kanilang tahanan at mabuti na marami ang may kuryente sa kanilang tahanan kaya nakakapanood sa telebisyon, pati sa streaming. Pero mas aligaga ang karamihan sa social media na walang ginawa, kundi pansinin ang socmed posts ng ibang government leaders.
Napagdiskitahan ng karamihan ang post ng DILG (Department of Interior and Local Government) Secretary Jonvic Remulla at Laguna Governor Sol Aragones dahil sa hindi raw nababagay sa kanilang estado at sa pinagdaraanan natin ngayon ang style ng paglalabas nila ng announcement.
Nakakalito nga ang layout ng announcement ng Laguna Governor, pero binago na nila ito dahil pinuna ng karamihan.
Si Secretary Remulla naman ay ganyan na talaga siya mag-post kahit noong governor pa siya ng Cavite.
Siguro nga naiisip niyang nakakaaliw pa rin ito, na kahit paano ay nakakagaan sa mabigat na pinagdaraanan ng karamihan na naapektuhan ng matinding baha.
Napansin din ng iba ang post ng ilang reporters na patuloy na nagko-cover, at nag-a-update sa baha.
Nag-post lang ang GMA news reporter na si Bernadette Reyes sa hirap na trabaho ng mga reporter, naalipusta at namura pa ito ng iba.
Dismayado pa si Bernadette Reyes sa ginawa raw katatawanan ang post niya.
Bahagi ng post nito, “Nakakalungkot na marami ang kumopya ng post ko at sa halip na makita ang sakripisyo namin, ginawa pang katatawanan, pinalitan ang mensahe para pagkakakitaan. Sa mga susubok gumawa nito, I’ll take action para mabura ang account/page and will take legal action as well.
“Kung ako lang ang naaapektuhan, kaya kong palagpasin. Pero may pamilya ako na nasasaktan. Pamilya na iniiwan ko tuwing may sakuna para magbalita at magsakripisyo para sa bayan.”
Hindi na talaga mapigilan ang mga ito, dahil ramdam nila ang power nila sa pagtipa lang sa kanilang cellphone.
Sa panahon ngayon, bakit hindi na lang sila magluto ng lugaw at ipakain sa mga nasalanta ng baha?
Kung hindi man, ang pinakapuwede pa nilang gawin ay mag-fasting at magdasal para ihingi sa Panginoon ang kaligtasan ng mga kababayan nating sobrang apektado ng sunud-sunod na bagyong sumasalanta sa atin.
Anyway, nagsisimula na rin ang ibang artista na magbigay ng tulong para sa mga nangangailangan.
Nag-pack up ng taping ang mga programa sa GMA 7, at sa halip na matulog at magpahinga ang karamihan sa mga artista, tumulong sila sa pag-repack ng relief goods na ipapadala ng Kapuso foundation sa mga nasalanta ng bagyo.
Prinoduce na pelikula ni Ogie, sapul ang mga toxic sa pamilya
Nagpasalamat ang vlogger at producer na ring si Ogie Diaz dahil kahit malakas pa rin ang ulan noong Lunes, dumalo pa rin ang mga kaibigang entertainment press sa block screening ng pelikula ng movie production niyang How To Get Ayaw From My Toxic Family na dinirek ni Law Fajardo.
Sa July 30 na ang showing dito sa atin, pero nakapag-screening na sa ibang bansa, sa Amerika, sa Japan at sa iba pang bansa na marami tayong mga kababayang OFW.
Ang lakas ng dating nito sa mga kababayan natin doon, lalo na sa mga OFW na nakaka-relate sa kuwento.
Marami naman kasi talaga sa atin na nagpapakahirap na magtrabaho sa ibang bansa para lang may maipantustos sa pamilya natin, pero naaabuso at kapag hindi ka na makapagbigay ng tulong, ikaw na ang masama. Ganun ka-toxic ang ibang pamilyang tinutulungan ng mga kababayan natin.
Kuwento nga ni Ogie nang ipinalabas ito sa Amerika at sa Japan, “Inilabas na ito sa LA, sa Beverly, California. Tapos dun sa Nagoya, Japan.
“Dun sa Nagoya, Japan, siyempre ang mga OFW dun talagang… para silang nakikipag-usap sa TV. ‘Yung parang Batang Quiapo na ‘yung lola…’ Tanggol, hindi mo alam ginagago lang!’
“Eto, ganun din. ‘Yung sila mismo involved.
“Kaya feeling ko, itong mga manonood, para silang mga kapitbahay na nakiki-marites sa kuwento ng kapitbahay nila.
“Kaya kung mapapansin n’yo ‘yung mga linyahan dito, hindi melodramatic, hindi teleserye. Kung ano ‘yung talagang normal na sinasabi at dina-dialogue sa pang-araw-araw nating buhay.”
Hindi gaanong naka-relate ang bida ng pelikulang ito na si Zanjoe Marudo, kaya wala siyang gaanong pinaghugutan. Kahit lumaki raw siyang malayo sa kanya ang kanyang pamilya dahil nasa Amerika ang kanyang ama at ilang kapatid.
Pero na-portray niya nang maayos at tiyak na mapapansin siya rito ng award-giving bodies.
Malaking bagay rin ang support ng mga co-star niya lalo na sina Susan Africa at Richard Quan.
“Ako naman simula’t sapul ‘pag may project ako, ‘pag may character akong ginagawa, nahihirapan ako actually na humugot sa personal experiences.
“Hindi ko masasabi na may pagkaparehas. Siguro ‘yung magkakahiwalay ng matagal na panahon, mas doon ako naka-relate at mas doon ako naramdaman ‘yung hirap at sa mga struggles ‘pag magkalayo ‘yung pamilya. Lalo na ang magulang mo malayo sa ‘yo. ‘Pag lumalaki kang siyempre kulang ka sa guidance kahit papano. Nasa sa iyo ‘yun, at doon ako natuto maging independent,” pakli ni Zanjoe.
Sa panahon ngayon na marami tayong mabibigat na problemang pinagdaanan, dapat bang manood pa tayo ng ganito kabigat na pelikula?
Taliwas nga ito sa sinabi ni Vice Ganda na ang mga pelikula niya ay pantakas sa mabigat na pinagdaraanan ng mga manonood. Kaya gusto nilang tumawa lang sa kanyang pelikula.
Pero dito sa How To Get Away From My Toxic Family ay ihaharap tayo sa katotohanan na meron talaga sa miyembro ng pamilya natin na toxic na talaga. So, how to get away from them?
Sagot sa amin ni Ogie Diaz, “Panoorin natin ito, kasi marami tayong hindi man nangyayari sa pamilya natin ay alam mong iiwasan nating mangyari sa pamilya natin ito.
“Na sabi nga ni Zanjoe, suwerte kayo kung hindi ganito pamilya n’yo. So, kung ganito, puwede n’yong pag-usapan ‘di ba?
“So, meron pa rin kaming na-impart na lesson ‘yung pelikulang ito sa mga tao paglabas nila. ‘Yung may magmamarka sa kanila.
“Sa sinabi naman ni Vice Ganda kagabi na nandun din naman ako, tama rin naman siya. Kaya lang Vice Ganda ‘yun e. Kahit na anong gawin ni Vice Ganda, Vice Ganda siya.
“‘Yun naman talaga ‘yung tipo ng pelikula niya.
“Pansinin n’yo, kung gumagawa siya ng pelikula pang-filmfest, ‘di ba? Para mas maraming manood.
“E kami nagbabakasali lang din na kahit hindi kami filmfest entry, e alam naming meron kaming produktong maganda, na maibabahagi sa audience at alam namin na makaka-relate ang karamihan sa pamilya na manonood nito.”
