January 6, 2026 | 12:00am
PARANG isang dambuhalang sindikatong kriminal ang gobyerno. Kung saan may pakikinabangan, mag-iimbento ng raket. Kapag nabisto, papalitan lang ang modus operandi. Pero patuloy ang krimen. Walang pinagkaiba sa Mafia o Yakuza.
Ihalimbawa ang Bureau of Immigration. Kailangan humingi sa kanila ng permiso ang mga kumpanya na may mga empleyadong dayuhan. Taun-taon isusumite sa kanila ang pangalan ng mga ito para bayaran ang working visas. Nagsisingit ang mga tiwaling BI officers ng pangalan ng mga “kliyenteng dayuhan”. Pinalalabas na empleyado ng kumpanya para magkaroon ng legal na papeles. Daan-daang milyong pisong scam ito.
Iba naman sa Department of Agriculture. Kunwari pinalalawak ang pag-import ng isda para maging mura ang presyo sa palengke. Pero ilan lang ang ini-isyuhan ng sanitary-phytosanitary (SPS) clearances. Kina-cartel ang pagpasok ng pagkaing-dagat. Kontrolado nila ang supply at presyo.
Maraming raket sa pier. Pagdaong ng barko ino-obligang umupa ito ng harbor master na taga-parada nito. Hindi naman humahawak ng manibela ang harbor master pero per ora ang bayad. Ino-obliga rin ang barko na umupa ng crane na pangkarga at diskarga. Ito’y maski may sariling crane ang barko. Muli, per ora ang upa. Dapat taun-taon ini-inspeksiyon ang barko. Pero kulang ng inspector ang gobyerno. Ibinabalato sa iilang paboritong kumpanya ang trabaho.
Rumaraket ang mga burukrata dahil ginagaya lang ang mga politiko. Lantad na ang pinakamalaking katiwalian sa kasaysayan ng bansa. Trilyong piso ang ninakaw ng mga senador, kongresista, DPWH officials, at tiwaling kontratista sa peke at palpak na flood works.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).