Greenies pumuwersa ng Game 3 sa Junior Altas


MANILA, Philippines —  Halos lahat ay ginawa na ni Guillian Quines para sa Greenies.

Kumolekta si Quines ng 35 points, 11 rebounds, 5 steals at 4 assists sa 95-91 pagtakas ng College of St. Benilde-La Salle-Greenhills sa University of Perpetual Help System DALTA sa Game Two ng NCAA Season 100 juniors basketball finals kahapon sa FilOil EcoOil Centre sa San Juan City.

Bumangon ang Gree­nies mula sa 96-100 kabiguan sa Game One para itabla sa 1-1 ang kanilang best-of-three championship series ng Junior Altas at itakda ang ‘winner-take-all’ Game Three bukas sa parehong venue.

May tsansa ang CSB-LSGH ni coach Ren-Ren Ritualo Jr. na muling magkampeon matapos noong 2017.

Napigilan naman ang target na series sweep ng Perpetual ni mentor Joph Cleopas para sa hangad na kauna-unahang NCAA juniors basketball crown sapul nang sumali sa liga noong 1984.

Itinala ng Greenies ang 11-point lead, 41-30, sa 8:12 minuto ng second period hanggang maagaw ng Junior Altas ang 82-76 bentahe sa likod nina Most Valuable Player Lebron Jhames Daep at Jan Roluna sa 5:18 minuto ng fourth quarter.

Ang agaw at basket ni Roluna ang nagbigay sa Perpetual ng 91-90 abante sa huling 25.4 segundo.

Sumalaksak si Migs Osis para sa kanyang l­ayup na nagtaas sa CSB-LSGH sa 92-91 sa nala­labing 20.9 segundo.

Bigo ang Junior Altas sa kanilang posesyon na nagresulta sa dalawang free throws ni Osis para sa 94-91 kalamangan ng Greenies sa huling 10 segundo.