High School sa Taiwan, requirement ang pag-akyat sa rock climbing wall para maka-graduate!


MGA KUWENTONG WEIRD — Ronniel Niko B. Halos — Pilipino Star Ngayon

February 12, 2026 | 12:00am

HINDI sapat ang matataas na grado at pasadong exams para makatapos sa isang high school sa Changhua County sa Taiwan.

Sa Ershui Junior High School, may kakaibang final requirement ang mga estudyante bago nila mahawakan ang kanilang diploma, ito ay kailangan muna nilang akyatin ang isang rock climbing wall na kasing-taas ng limang palapag na gusali.

Ang nasabing wall ay may taas na 15 meters at itinuturing na pinakamataas na climbing facility sa loob ng isang paaralan sa buong Taiwan.

Seryoso ang administrasyon sa polisiyang ito kaya’t bahagi ng kanilang curriculum ang anim na climbing lessons kada linggo.

Layunin umano nito na hindi lang subukin ang pisikal na lakas ng mga kabataan, kundi pati na rin ang kani­lang focus, balance, at lakas ng loob na harapin ang takot.

Bagama’t nakakalula ito para sa karamihan, tila sisiw na lamang ito sa mga estudyante ng Ershui.

Marami sa kanila ang nag-e-enjoy sa hamon at ginagawa pa itong bonding activity kasama ang kanilang mga magulang tuwing weekend.

Pero malinaw ang patakaran: kung hindi mo kayang akyatin ang tuktok, hindi ibibigay ang iyong diploma.

Ang rock climbing wall na kailangang akyatin para maka-graduate.