High Speed Hitters dikit na sa Finals


Russell Cadayona — Pilipino Star Ngayon

August 26, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Pumalo si Fil-Canadian Savi Davison ng 17 points mula sa 13 attacks, tatlong blocks at isang service ace sa 25-20, 25-22, 25-23 pagtakas ng PLDT sa guest team Kobe Shinwa University sa 2025 Premier Volleyball League (PVL) Invitational Conference kahapon sa PhilSports Arena sa Pasig City.

Ang ika-11 dikit na arangkada ng High Speed Hitters ang nagdikit sa kanila para sa ikalawang sunod na finals stint matapos pagreynahan ang nakaraang 2025 PVL on Tour.

Mangyayari ito kung tatalunin ng Cignal HD Spikers ang ZUS Coffee Thunderbelles sa ikalawang laro kagabi.

Nagdagdag si rookie Alleiah Malaluan ng 12 markers at may 11 points si PVL on Tour Finals MVP Mika Reyes.

Tumipa si Kim Fajardo ng 19 excellent sets.

Kumana si Nagisa Komatsuda ng game-high 21 points para sa Kobe Shinwa.

Ang 5-0 atake ng High Speed Hitters sa likod nina Malaluan at Reyes ang nagbigay sa kanila ng 25-20 panalo sa first set.

Mula naman sa 19-22 agwat sa second frame ay nakadikit ang Japanese squad sa 22-23 tampok ang magkasunod na hataw ni Komatsuda.

Nagtambal sina Mala­luan at Davison para tuluyang isara ang laro sa 25-22.

Kumamada ang PLDT ng isang 6-1 ratsada kasama ang hataw ni Reyes para sa kanilang pagwalis sa Kobe Shinwa.