September 6, 2025 | 12:00am
1-linggong drug ops sa Quezon
CAMP NAKAR, Lucena City , Philippines — Umiskor ang mga operatiba ng Quezon Police Provincial Office (QPPO) matapos maaresto ang dalawang tulak at makumpiska ang milyun-milyong halaga ng shabu at marijuana sa bayan ng Calauag, kamakalawa.
Ang nasabing operasyon ang ikaapat na pagsalakay sa loob lang ng isang linggo laban sa mga “high-value target” (HVT) na nagresulta sa pagkakakumpiska sa kabuuan ng higit P12 milyong halaga ng ilegal na droga sa lalawigan.
Ayon kay Colonel Romulo Albacea, QPPO Director, naaresto ng mga miyembro ng Provincial Drug Enforcement Unit (PDEU) ang dalawang pinaghihinalaang tulak na kinilalang sina “Atoy”, 44, at “Macmac”, 43, bandang 9:13 ng umaga matapos nilang bentahan ng shabu na nagkakahalaga ng P1,000 ang isang pulis na nagpanggap na buyer sa Barangay Mabini. Nakumpiska mula sa mga suspek ang nasa 187 gramong shabu na may street value ng hanggang P3,814,800 at 250 gramo ng marijuana na may halagang P90,000.
Samantala, noong Agosto 28, naaresto rin ng parehong PDEU team si “Mel”, 28, sa isa pang buy-bust operation sa Barangay Ibabang Dupay, Lucena City.
Nakumpiska mula sa suspek, na isa ring HVI, ang nasa 161 gramo at street value na P3,284,400.
Sa parehong araw, inaresto rin ng mga lokal na operatiba ng droga sa bayan ng Candelaria sina “Ken”, 31, at “Melvin”, 29, sa isang buy-bust operation sa loob ng isang subdivision sa Barangay Masin Sur.
Nakumpiska mula sa dalawa ang hinihinalang shabu na may bigat na 71 gramo at street value na P1,448,400.
Noong Agosto 24, isa pang HVI ang naaresto sa isang drug sting operation sa bayan ng Mulanay.
Nasamsam mula sa suspek ang 13 plastik na sachet at isang plastic bag na may buhol na naglalaman ng hinihinalang shabu na may kabuuang bigat na 162.72 gramo, na may street value na P3,380,688.