Hiyasmin (317) | Pilipino Star Ngayon


“Magagawa n’yo nang makapangibang bansa dahil may kakayahan na kayo ni Hiyasmin, Lira. Lalo na ikaw, nararapat mo namang maranasan ang ganda ng buhay na naipagkait sa iyo noon,’’ sabi ni Mary. “Kaya hihintayin namin ang pagdalaw ninyong tatlo sa States nga­yong taon na ito.”

“Oo Mary. At hindi lamang kaming tatlo.”

“Talaga? Sino pa ang isa?”

“Ang pamangkin mo—anak ni Hiyasmin!”

“Wow! Magkakaroon na pala ako ng pamangkin. Sure ako na napaka-cute. Sabihin mo kay Hiyasmin at Dax na baka puwedeng ipangalan sa baby kung babae ay Rashida—galing sa lolo, ha-ha-ha!”

Nagtawa rin si Mama Lira.

“Sasabihin ko Mary. Maganda ang naisip mo.”

“Di ba cute na name ng baby yun?”

“Oo.”

“Teka nga pala. Mayroon akong ibibigay sa inyo ni Hiyamin,” sabi ni Mary at may dinukot sa bag nito.

Isang kahita ang inilabas.

Iniabot kay Lira.

“Buksan mo, Lira.”

Bi­nuksan ni Lira.

Isang gintong singsing na may nakapalibot na bril­yante.

“Galing kay Rashid yan. Ibinigay niya sa akin nung huli akong umuwi sa Kuwait. Itago ko raw at ibigay sa’yo kung matatagpuan kita sa hinaharap.”

Pinagmasdan ni Lira ang singsing. Halatang purong Saudi gold—manilaw-nilaw. Ku­­mikislap sa tama ng liwanag ang mga brilyanteng nakapalibot.

“Sabi ni Rashid, ipina­sadya niya iyan sa isang alaherong Turkish. Ipinatunaw niya ang mga alahas niya at ipinagawang singsing. Hindi sinabi ni Rashid ang halaga niyan pero sa tantiya ko mga nasa kalahating milyong piso yan.”

(Itutuloy)