Housemate si Mister | Pilipino Star Ngayon


Dear Dr. Love — Pilipino Star Ngayon

October 2, 2025 | 12:00am

Dear Dr. Love,

Isang OFW ang mister ko na nagkaroon ng ibang babae. Tatlong taon kaming walang komunikasyon. Pero noong pandemic ay nawalan siya ng trabaho dahil nagsara ang kanilang agency.

Humingi siya ng tawad at gustong umuwi sa aming bahay. Pinatawad at tinanggap ko pa siya, pero hindi na kami natutulog nang magkasama.

Umuuwi lang siya sa bahay at umaalis din.

Dahil sa ganitong situwasyon namin, napapaisip ako kung tama ba ang desisyon ko na pinabalik ko siya ng bahay. Parang wala rin namang kabuluhan dahil hindi rin naman kami nag-uusap.

Parang housemate ko na lang siya. Gusto ko po na maging maayos ang lahat sa pagitan namin, pero hindi ko rin alam kung paano sisimulan.

Pagpayuhan po ninyo ako kung ano ang dapat kong gawin?

Housewife

 

Dear Housewife,

Bakit hindi mo su-bukan na ikaw mismo ang unang makipag-usap sa kanya. Sa mahinahon at puno ng pang-unawang paraan ay alamin mo kung ano ang kalooban niya para sa inyong relasyon bilang mag-asawa. Mula rito ay kapwa ninyo pagsikapan na muling mabuo ang inyong pagsasama.

At para makapagsimula kayong muli, sabay ninyong planuhin ang pagharap sa buhay bilang commitment at i-workout na manumbalik ang pagpapahalaga sa isa’t isa. I-try n’yong buksan ang komunikasyon at bigyan ng isa pang pagkakataon ang inyong pagsasama.

Dr. Love