MANILA, Philippines — Ilan pang events ang madaragdag sa 2025 edisyon ng Palarong Pambansa na idaraos sa Mayo 24 hanggang 31 sa Ilocos Norte.
Isasama na sa kalendaryo ang pole vault para sa secondary girls at ang pencak silat
Inihayag ng Department of Education ang pagsasama sa pole vault para sa secondary girls bilang regular event sa athletics habang ang pencak silat naman ay magiging regular sport na matapos maging demo sports sapul noong 2017.
Isa ang pole vault sa mga event na nagbibigay ng karangalan sa bansa partikular na si Olympian EJ Obiena na nakasungkit ng gintong medalya sa Asian Championships, Asian Games at Southeast Asian Games.
Dalawang beses na rin itong nasilayan sa Olympics — noong 2020 edisyon sa Tokyo, Japan at noong 2024 sa Paris, France.
Kaya naman magandang pagkakataon ang pagpasok ng pole vault sa secondary girls upang makatuklas pa ng mga talentong maaaring sumunod sa yapak ni Obiena sa women’s division.
Naibalik na rin ang weightlifting bilang demo sport sa Palaro.
Gaya ng pole vault, ang weightlifting ang pinagkunan ng bansa ng kauna-unahang gintong medalya sa Olympic Games sa ngalan ni Hidilyn Diaz.
Matatandaang nasikwat ni Diaz ang gintong medalya noong 2020 Tokyo Olympics.
Kaya naman hindi maitago ni Diaz ang saya nang muling maibalik ang weightlifting sa Palarong Pambansa.