Schwan ipaparada ng Creamline sa Reinforced Conference


Russell Cadayona — Pilipino Star Ngayon

September 12, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Bagong import ang ipaparada ng Creamline sa darating na 2025 Premier Volleyball League (PVL) Reinforced Conference sa susunod na buwan.

Kinuha ng Cool Smashers si American spiker Courtney Schwan sa hangaring makabawi mula sa magkasunod na kamalasan sa PVL on Tour at Invitational Conference.

“Super excited kami to share with you mga ka-vibes ang newest addition sa ating GV-kada! Sabay-sabay nating i-welcome si Courtney Schwan, ang ating pinakabagong Pink Volleybelle,” pahayag ng Creamline sa kanilang social media account.

Nang magreyna ang Cool Smashers sa 2024 Reinforced Conference ay si American reinforcement Erica Staunton ang tumulong sa kanila patungo sa makasaysayang PVL Grand Slam.

Si Staunton, gumiya rin sa tropa ni coach Sherwin Meneses sa korona ng Invitationals, ay kasalukuyang naglalaro sa Europe.

Nagmula naman ang 29-anyos na outside hitter na si Schwan sa pagsabak sa Orlando Valkyries na nagkampeon sa Major League Volleyball championship sa United States.

Makakatuwang ni Schwan sa kampanya ng Creamline sa Reinforced Conference sina Alyssa Valdez, Jema Galanza at Michele Gumabao.

Samantala, target ng PLDT ang kanilang ‘three-peat’ matapos magwagi sa PVL on Tour at Invitational Confe­rence laban sa Chery Tiggo at Japanese collegiate team Kobe Shinwa University, ayon sa pagkakasunod.

Patuloy ang paghahanap ng High Speed Hitters ng import para sa kanilang misyon.

Noong 2024 Reinforced Conference ay tumapos ang PLDT sa fourth place kasama si Russian reinforcement Elena Samoilenko.