February 20, 2026 | 12:00am
JUDICIAL and Bar Council ang nagnonomina ng huwes at mahistrado. Chairman nito ang Chief Justice.
Kasapi ng JBC ang Secretary of Justice, chairmen ng committees on justice ng Senado at Kamara de Representantes, at apat na taga-sektor ng abogasya.
Isa sa apat ay retiradong mahistrado ng Korte Suprema. Isa ay propesor ng abogasya. Isa ay representatibo ng Integrated Bar. At isa mula pribadong sektor. Hinihirang sila ng Presidente.
Masyadong maimpluwensiya ang Presidente sa pagtalaga ng mga taga-Hudikatura. Sa walong taga-JBC, lima agad ang “bata-bata” niya: Secretary of Justice at ‘yong apat na taga-sektor ng abogasya. Maghihinala ka tuloy na pipiliin nila bilang huwes o mahistrado ang mga nais ng Presidente.
Mas malala kung nagkataon na ang Chief Justice na JBC chairman ay appointee rin ng kasalukuyang Presidente. Tapos ka-partido pa niya ang dalawang Justice committee chairmen ng Senado at Kamara. Buong JBC na ay tuta ng Presidente.
Dapat baguhin ang Konstitusyon. Palitan ang JBC ng independent commission. Mamamayan ang hahalal sa mga miyembro. Walang magkakautang na loob sa Presidente. Pipili sila ng mga huwes at mahistrado na pinakamahuhusay.
Independent commission din ang magdidisiplina sa mga tiwaling taga-Hudikatura.
Sa ganung paraan, magiging tunay na independyente ang pangatlong sangay ng gobyerno. Magiging makatarungan ang mga pasiya ng hukuman. Magtitiwala ang mamamayan. Matatakot ang mga kriminal at tiwaling opisyales.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).
